Ni: Orly L. Barcala

Sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) footage, naaresto ang lalaking tinaguriang “spider man” dahil sa husay nitong umakyat sa bubong at gumapang sa kisame para manloob ng tindahan sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay SPO4 Armando Delima, deputy chief ng Station Investigation Unit (DMU), kasong robbery (break-in) ang isinampa laban kay Edumdo Navarro, Jr., 25, ng No. 213 Area 1, Mabisig Street, Pinalagad, Barangay Malinta ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ni Felix Canay, 69, soft drinks at beer dealer, natuklasan niya na pinasok ng magnanakaw ang kanyang tindahan, dakong 4:00 ng madaling araw.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Nagkalat kasi ang gamit sa lapag ng tindahan at wala na rin ang P150,000 cash na kita namin sa apat na araw,” pahayag ni Canay.

Ni-review ng negosyante ang kuha ng CCTV camera na naka-install sa kanyang tindahan at nakilala ang suspek na si Navarro na kanilang kapit-bahay.

Pagsapit ng 8:00 ng umaga kahapon, nagtungo sa police station ang biktima upang ipahuli ang suspek na tinangka pang tumakas.

“Sabi ng tatay wala daw sa loob ng bahay, eh kitang-kita namin na dumaan sa bintana para tumakas,” ani Santillan.

Hinabol ng mga pulis ang suspek hanggang sa nakorner sa bahay ng kanyang kapit-bahay.

Narekober sa suspek ang bagong biling cell phone, na nagkakahalaga ng P17,000; at P82,000 cash.