ni Clemen Bautista
NABIGO ang pamahalaan sa paggiba sa mga illegal fishpen sa Laguna de Bay matapos pagtibayin ng Court of Appeals (CA) ang utos ng Korte ng Malabon na pumipigil sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa pagtanggal sa mga ilegal na fishpen, na kung tawagin ay “Cataquiz Belt”.
Ipinag-utos sa LLDA na payagan ang maliliit na mangingisda na makapangisda sa lawa na sumikip matapos tayuan ng malalaking fishpen operator ng mga illegal fishpen.
Binaligtad ng Court of Appeals Twelfth Division ang nauna nitong desisyon na nagpapahayag na “null and void” ang Preliminary Injunction na inisyu ng Regional Trial Court Branch 170 sa Malabon City noong Mayo 13, 2014. Pinayagan ang samahan ng illegal fishpen operator na magpatuloy sa kanilang operasyon sa lugar na sumasaklaw ng 977.27 ektarya sa 22 korporasyon at 169.16 na ektarya para sa 34 na katao sa Laguna Lake na nasa “Cataquiz Belt”. Si dating LLDA General Manager Calixto Cataquiz ang nag-isyu ng Notices of Reward at mga kaukulang permit na nagtayo ng fishpen noong 2003.
Sa Resolution No. 499 ng LLDA Board noong Abril 23, 2013, binigyan ng deadline ang operasyon ng mga fishpen na nasa “Cataquiz Belt” na hanggang Hunyo 30, 2014 nang matiyak na ang mga notices of reward ay walang hiniling na public bidding at kaukulang pagsang-ayon ng board. Kaya, ang mga nasabing fishpen ay nasa labas ng pinagtibay na Zoning Management Plan (ZOMAP) at bilang karagdagan, ang Laguna Lake ay nakarating na sa medium carrying capacity na sampung porsiyento para pangisdaan, batay sa iniaatas ng Republic Act 8550 o ng 1998 Philippine Fisheries Code.
Noong Abril 4, 2014, ang mga fishpen operator na kabilang sa Association of Laguna Lake Fish Producers and Fisherfolks Inc. ay naghain ng Petition for Declaratory Relief na humiling ng Preliminary Injunction sa Regional Trial Court Branch 170 sa Malabon City. At sa isang Utos na may petsang Mayo 13, 2014, si Presiding Judge Zaldy B. Docena ay nag-isyu ng Writ of Preliminary Injunction sa LLDA sa paggiba, demolisyon at sa pagpapatigil sa operasyon ng mga fishpen at fish cage.
Nagharap ng rekonsiderasyon ang LLDA sa Utos at Supplemental Motion. Binanggit ang Section 10 ng Rule of Procedure para sa Environmental Cases na nagsasaad na maliban sa Korte Suprema—walang Korte o Hukuman ang maaaring mag-isyu ng TRO o ng Writ of Preliminary Injunction laban sa naaayon sa batas na pagkilos ng mga ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng mga batas sa kalikasan.
Sa Omnibus Order na may petsang Disyembre 29, 2014, tinanggihan ni Judge Docena ang kambal na motion for reconsideration ng LLDA. Kaya, noong Abril 2015, nagharap ang LLDA ng Petition for Certiorari para sa paglalabas ng Temporary Restraining Order sa CA laban kay Judge Docena sa pag-iisyu ng Utos.
Sa pahayag ni LLDA General Manager Jaime C. Medina, sinabi niya na ikinalungkot niya ang nasabing desisyon at itinuring na pagkabigo ng kampanya ng pamahalaan na tanggalin ang mga illegal fishpen at iba pang aquaculture structure sa Laguna de Bay. Gayunman, ang LLDA ay kikilos para muling isaalang-alang ang desisyon at matapat na nangako na ipagpatuloy ang paggiba sa mga ilegal na istruktura sa lawa.