Nina ROMMEL P. TABBAD at CZARINA NICOLE O. ONG

Pormal nang sinampahan kahapon ng Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at usurpation sa Sandiganbayan si dating Pangulong Benigno S. Aquino III kaugnay ng Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 na miyembro ng hilippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25, 2015.

Ang ikaapat na dating pangulo ng bansa na naharap sa mga kasong kriminal sa anti-graft court, kinasuhan si Aquino sa paglabag sa Section 3(a) ng R.A. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at sa Article 177 ng Revised Penal Code.

Isa si Aquino sa mga nagplano ng Oplan Exodus, matapos nitong ipag-utos na makipagtulungan si dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima—na noon ay suspendido—kay dating SAF Director Getulio Napeñas para pangunahan ang nasa 400 operatiba ng SAF na dadakip sa mga wanted na teroristang sina Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”, at Ahmad Akmad Uson, sa Mamasapano, Maguindanao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa charge sheets na inihain ni Assistant Special Prosecutor III Reza Casila-Derayunan, inakusahan ang dating Pangulo ng pagkumbinse kay Purisima na isantabi ang PNP Chain of Command.

Sa halip na makipag-ugnayan sa noon ay PNP officer-in-charge na si Chief Supt. Leonardo Espina, pinili ni Aquino na bigyan ng instruksiyon si Purisima at tumanggap ng mga report at rekomendasyon mula sa suspendidong opisyal.

Nakasaad sa charge sheet na dapat na inirespeto ni Aquino ang suspensiyon ni Purisima at kinausap si Espina “who had the authority to oversee the preparation for and conduct of Oplan Exodus.”

Dahil sa ginawa ni Aquino, nagdulot siya ng “damage of public interest” at “damage and prejudice of the State.”

Itinakda ang kabuuang P40,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Aquino: P30,000 para sa graft, at P10,000 sa usurpation. Sina Dennis Garcia, ng Office of the Ombudsman; at PNP-SAF Supt. Hendrix Mangaldan ang magsisilbing testigo sa mga kaso laban sa dating Pangulo.

Ito ang unang kasong isinampa kay Aquino sa Sandiganbayan. Una nang sinampahan ng kaparehong mga kaso sina Purisima at Napeñas sa Sandiganbayan Fourth Division kaugnay ng insidente.

Matatandaang tinangka ng dating Pangulo na maibasura ang mga reklamo sa Ombudsman laban sa kanya, ipinaliwanag na ang pagkamatay ng 44 na police commando sa Mamasapano ay dahil sa “intentional act of shooting by hostile forces—and not my actions.”

Sinisi ni Aquino si Napeñas at tinangkang iabsuwelto si Purisima, subalit hindi tinanggap ng Ombudsman ang kanyang depensa.