Nagkabutas-butas sa bala ang katawan ng isang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) member nang pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa scooter sa tapat mismo ng bahay nito sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Isang tama ng bala sa kaliwang tenga na tumagos sa kanang pisngi at dalawang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng likod ang ikinasawi ni Arnel Celis, 54, ng 368 Inocencio Street, sa Tondo.

Nakatakas naman ang dalawang ‘di pa nakikilalang suspek na sakay sa isang pulang Honda Beat scooter at kapwa nakasuot ng helmet at jacket.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Lester Evangelista, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril bandang 3:10 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pababa na si Celis sa kanyang Enduro motorcycle nang pagbabarilin ng mga suspek na nakabuntot sa kanya sa biyahe.

Dali-daling humarurot ang mga suspek nang makitang duguang bumulagta ang biktima.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo sa pamamaslang. - Mary Ann Santiago