Ipinag-uutos na ng Department of Transportation (DOTr) ang mas mabilis na pag-upgrade sa walong paliparan sa bansa upang ma-decongest na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, kabilang sa mga airport na isinasailalim ngayon sa rehabilitasyon at pagpapalawak ay ang mga paliparan sa Naga City, Tuguegarao, Cauayan, Dumaguete, Cotabato, Dipolog, Pagadian at Ozamiz.

Nabatid na naglaan ang pamahalaan ng P10.1 bilyon para sa upgrade sa imprastruktura ng 40 paliparan sa 2018.

Inilaan ang pinakamalaking pondo para sa Clark International Airport na may P2.74 bilyon, habang tatanggap naman ng tig-P20 milyon ang 13 iba pang maliliit na airport sa bansa.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Kabilang umano sa pagkukumpuning isinasagawa ay ang pagpapalapad sa runway at upgrade sa mga pasilidad ng terminal para sa night-flights.

Ipinaliwanag ni Tugade na ang dahilan ng congestion sa NAIA ay ang kawalan ng kakayahan ng provincial airports na tumanggap ng flights tuwing gabi.

Sa kasalukuyan ay nasa 19 lamang sa 42 paliparan sa bansa ang may kakayahang tumanggap at magbiyahe sa gabi.

Nauna rito, natanggal na ang NAIA sa listahan ng 20 “worst airports” sa mundo, at wala na rin sa top 5 “worst airports” sa Asya. - Mary Ann Santiago