Ni: Celo Lagmay
MATAGAL ko nang nauulinigan ang sinasabing pinakamalaking anomalya sa agrikultura na kinapapalooban ng masalimuot na transaksiyon ng mga magsasaka at ng mga negosyante na lalong kilala bilang mga middleman. Tuwing kasagsagan ng anihan, nakaabang na ang naturang mga negosyante sa pagpakyaw ng aning palay ng mga magbubukid sa presyong P14 isang kilo, higit na mababa kaysa sa P17 kada kilo na buying price ng National Food Authority (NFA).
Maaaring ito ang batayan kung bakit halos pasigaw na inihayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa isang himpilan ng radyo na ang mga middleman ang pinakamalaking katiwalian sa agrikultura. Nahiwatigan ko na ‘tila may pagsasabwatan ang naturang mga negosyante at mga tauhan ng NFA sa gayong transaksiyon na mistulang panlalamang sa mga magbubukid.
Hindi kaya binibili ng mga middleman sa mababang halaga ang ani ng mga magsasaka upang ipabenta naman nila sa NFA sa mataas na presyo? Totoo kaya ang mga sapantaha na matagal nang may secret deal ang mga magbubukid at ang naturang ahensiya ng gobyerno?
Karaniwan na ang gayong sistema ng bilihan ng palay tuwing anihan; walang magawa ang mga magbubukid kundi sumuko sa kagustuhan ng mga middleman. Ang grupong ito ng mga negosyante ang laging nauutangan ng mga magsasaka, bukod pa sa pagkakaloob sa kanila ng iba pang kaluwagan na tulad ng mga abono at agricultural implements. Natural lamang asahan na halos hakutin ng mga middleman ang lahat ng aning palay bilang sukli sa kanilang mga naitulong.
Dahil dito, nalalantad naman ang pagiging inutil ng NFA sa pagsaklolo sa mga magsasaka tungo sa pagkakaroon ng sapat na ani. Itinakda ng nasabing ahensiya ang pagbili ng ani ng mga magsasaka sa halagang P17 kada kilo subalit bihira naman kundi man talagang wala silang kinatawan upang bilhin ang ani ng mga magsasaka. Bunga nito, napipilitan ang mga magbubukid na ipagbili ang ani nilang palay sa presyong hindi katumbas ng kanilang kapaguran. Ang ganitong sistema ay laganap sa mga bukirin na malaking pag-anihan ng palay.
Natitiyak kong magkakaiba ang pananaw ng mga opsiyal ng local government units (LGUs) sa gayong masakim na pagnenegosyo ng mga middleman. Ipinanggagalaiti nila ang gayong pagsasamantala sa mga magbubukid.
Sa kanyang panig, laging binibigyang-diin ni Nueva Ecija Governor Cherie Umali na ang mga middleman ay marapat na maging mapagmalasakit sa mga magsasaka; na ang kanilang pakinabang ay dapat lamang balanse sa pagod na pinuhunan ng mga magbubukid.
Ang naturang pananaw na isinatinig ni Provincial Administrator Al Abesamis ay nakaangkla sa programa ng lalawigan hinggil sa pagkilala sa mga magsasaka bilang mga gulugod ng bansa o backbone of the nation; na hindi sila dapat maging biktima ng anomalya sa agrikultura.