Ni: Johnny Dayang
MALABONG pangarap lamang noon para sa mga maralitang kabataan sa mga lalawigan ang makapag-aral sa kolehiyo. Hindi na ngayon.
Sa pamamagitan ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 na binalangkas ng bisyunaryong lider na si Albay Rep. Joey Salceda, libre na ang tuwisyon at iba pang bayarin sa kolehiyo at tiyak nang matutupad ang pangarap ng mga maralitang kabataang nais makapag-aral.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang naturang batas, RA 10931, kamakailan sa gitna ng pagdududa sa kakayahan ng gobyerno na matugunan ang napakalaking pondong kailangan nito. Sa batas kasi, hindi tinukoy kung saan kukunin ang bilyon-bilyong pisong kailangan.
Ang magandang balita ay matagumpay na na-realign ng House Appropriations Committee, sa pangunguna nina Davao City Rep. Karlo Nogales bilang chairman at Salceda bilang senior vice chairman, ang mahigit P41 bilyon sa 2018 budget na naipasa na ng Kamara para pondohan ang implementasyon nito simula 2018.
Pinasimulan ni Salcedo ang libreng matrikula sa kolehiyo sa ilalim ng kanyang Universal Access to College Education program sa Albay nang maglingkod bilang gobernador sa loob ng siyam na taon hanggang 2016. Natulungan nitong makatapos sa pag-aaral ang may 88,888 estudyante. Kaugnay ng iba pang programa niya, naging susi ito para mapababa ang kahirapan sa Albay sa 17.1% noong 2015 mula 41% noong 2007.
Batay sa naturang karanasan ng Albay, inihain ni Salceda ang HB 2771 sa Kamara “to solve the continuing paradox that while college education helps us to escape poverty, Filipinos have to be rich to afford one.” Isinanib dito ang kahalintulad na mga bill nina party-list Reps. Antonio Tinio (ACT) at Sarah Jane Elago (KABATAAN).
Tampok sa RA 10931 ang libreng higher education sa state universities and colleges (SUCs) at Local universities and colleges (LUCs); libreng technical-vocational education at pagsasanay sa post-secondary technical vocational institutions; Tertiary Education Subsidy (TES) para sa mga estudyante, at Student Loan Program (SLP). ... “Free SUCS is real. No tuition and miscellaneous expenses. Admission is the only requirement,” “No tuition in community colleges is real,” “Free techvoc in TESDA/LGU-run TVET is real,” sunud-sunod na post ni Salceda sa kanyang social media account.
Gayunman, maraming estudyante sa LUCs ang maghintay pa dahil 16 lamang sa 111 LUC ang pumasa na sa accreditation ng CHED.
Priyoridad ng RA 10931 ang maralita ngunit matatalinong kabataan at naglalaan ng mahigit P1.3 bilyon bilang student loans para sa mga nasa lowest 30% na maaaring mangailangan ng karagdagang suporta.