Ni: Bella Gamotea

Patay ang isang hinihinalang police trainee makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Taguig City, nitong Lunes ng gabi.

Dead on the spot ang lalaking biktima na tinatayang nasa edad 30, may taas na 5’7”, nakasuot ng berdeng T-shirt na may nakasulat na “Dalisay-Alab 2017-01”, pantalon, itim na jacket, at Philippine National Police (PNP) bull ring.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa East Service Road, Barangay Western Bicutan, Taguig City, dakong 10:20 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa kanyang Suzuki Raider motorcycle (1012 TU) at tila may hinihintay nang sumulpot ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo.

Bumaba ang nakaangkas na suspek at makailang beses binaril ang biktima.

Tinangay ng mga suspek ang sling bag ng biktima bago tuluyang tumakas sa hindi batid na direksiyon.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.