ISANG malawakang earthquake drill ang isasagawa sana nitong Huwebes, Setyembre 21, ngunit dahil sa mga kilos-protestang itinakda sa araw na iyon, na ika-45 anibersaryo rin ng proklamasyon ng batas militar noong 1972, napagtanto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na mas makabubuting ipagpaliban na lamang ang drill sa ibang araw.
Idineklara ni Pangulong Duterte ang Setyembre 21 bilang National Day of Protest, sinuspinde ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, gayundin ang klase sa mga pampublikong eskuwelahan at unibersidad. Hinimok niya ang lahat ng nais na magprotesta—laban sa mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, pagtaas ng pasahe, kawalan ng trabaho, at iba pa—na lumahok sa mga kilos-protesta.
Dahil gagamitin sa mga earthquake drill ang mga tanggapan ng pamahalaan at mga paaralan bilang pilot areas, at makikibahagi rito ang mga kawani ng gobyerno at mga estudyante, ang pagkakansela ng Pangulo ng trabaho at klase ay nangangahulugang maglalagi lamang sa bahay ang mga ito. Tunay na mas mainam na ipagpaliban ang drill sa ibang araw, kung kailan may mga tao sa mga opisina at paaralan para makibahagi sa aktibidad.
Ilang beses nang nagsagawa ng earthquake drill ang gobyerno, subalit marami pa ring tao ang hindi alam ang gagawin sakaling tumama sa bansa ang malakas na lindol. Alam ng mga mag-aaral na kailangan nilang protektahan ang kanilang mga ulo gamit ang libro o notebook, magkubli sa ilalim ng mesa, o mahinahong lumabas sa gusali patungo sa open spaces. Subalit karamihan ng mga pamilya ay hindi pa mulat sa ideya ng pagkakaroon ng laging nakahandang emergency kit. Sa panahon ng tunay na emergency, hindi rin nila alam kung saan pupunta.
Layunin ng mga earthquake drill na ihanda ang publiko sakaling yanigin ang Metro Manila ng magnitude 7.1 na lindol, gaya ng tinaya kapag gumalaw ang West Valley Fault mula sa Bulacan, na tumatagos sa Metro Manila hanggang sa Cavite, dahil natukoy na malaki ang posibilidad na mangyari ito. Ang mga nakalipas na pagyanig sa Mexico — may lakas na magnitude 8.2 nitong Setyembre 10 na pumatay sa 90 katao, at sinundan ng magnitude 7.1 nitong Setyembre 19, na ikinasawi ng mahigit 200 — ay mga napapanahong pagpapaalala na ang ating planetang Earth ay patuloy na nagbabago sa ibabaw nito, gayundin sa ilalim nito, at maging sa himpapawid, kung saan nabubuo ang mga bagyo.
Kapag naitakda na ang bagong petsa ng gagawing nationwide earthquake drill, na posibleng sa huling linggo ng buwang ito, nananawagan tayo sa lahat ng residente at sa lahat ng pamilya na masusing pagtuunan ng atensiyon ang mga tagubilin at mungkahi — para matiyak ang kahandaan, malaman kung ano ang gagawin kapag lumindol, at kung saan pupunta sakaling magkaroon ng malawakang emergency.
Nananalangin tayong sakaling tumama ang Big One — ang taguri sa tinayang magnitude 7.1 na pagyanig sa paggalaw ng West Valley Fault — ay kakaunti lamang ang masasawi rito. Magagawa natin ito kung tatalima tayo sa mga babala at panawagan sa pagtiyak sa pansariling kaligtasan sa muli nating pakikibahagi sa earthquake drill ngayong buwan.