Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na magkaisa laban sa mga nagtatangkang hatiin ang bansa sa pamamagitan ng pagsusulong ng “violent extremism’ at paghahasik ng pangamba, galit at matinding takot sa mga Pilipino.
Ito ang mensahe ni Duterte sa pagdalo niya sa pagdiriwang ng ika-24 anibersaryo ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Duterte ang publiko na magkaisa upang matamo ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
"Let us unite against those who promote violent extremism, sow divisions, hatred and terror among our people," anang Duterte.
"Let us stand firm and resolute as we work together for a just, unifying, and lasting peace in our country," dugtong niya.
Pinasalamatan din ni Duterte ang OPAPP sa pagsisikap na matamo ang kapayapaan sa bansa kahit na ito ay batang ahensiya.
"Look what where are you now. In just a short span of time, you achieved of goals that many doubted that you would be able to accomplish," anang Duterte, binasa ang bahagi ng kanyang nakahandang talumpati.
"Your efforts turned enemies into friends and partners brought hope to conflict-torn areas, communities, and uplifted the spirits of people who for decades dreamt of peace," dagdag niya.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang peace partners ng pamahalaan kabilang na ang donor agencies, civil society organizations, national government agencies, local government units at ang media.
"The milestones that the OPAPP had achieved would not have been possible were it not for your support and your initiatives," anang Duterte.
Nagbigay-pugay din si Duterte sa mga opisyal at miyembro ng 250th Presidential Airlift Wing (PAW), isang special unit na nagtitiyak ng kaligtasan at proteksiyon sa air transport sa Pangulo.
Sa kanyang talumpati sa Bluebirds Night o pagdiriwang ng ika-49 anibersaryo ng 200-strong organization sa Villamor Air Base noong Huwebes ng gabi, sinabi ni Duterte na ang PAW ay naging maasahang kasangga at mapagkakatiwalaang sandatahan ng panguluhan.