Ni: Reggee Bonoan

PAGKALIPAS ng dalawang taon, muling tumuntong sa TV Patrol si Yam Concepcion bilang celebrity patroller habang nagdiriwang ng 30th anniversary ang programa at nasa bakasyon ang regular patroller na si Gretchen Fullido.

Huling napanood sa TV Patrol si Yam noong Mayo at Disyembre 2015 na pawang positibo ang feedback dahil bukod sa refreshing panoorin sa screen ay malinaw at maganda pa ang diction.

“After two years... I’ll be guesting again for ‘Star Patrol’ tomorrow (Biyernes),” post ng dalaga sa Instagram.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Muling napahanga ng dalaga ang mga manonood sa magandang rehistro niya sa screen at pagbabalita.

Maganda ang pagpapakilala sa kanya ni Kabayang Noli de Castro.

“May inimbita po kaming celebrity patroller at minsan na niya tayong nabighani sa kanyang ngiti dito sa ‘Star Patrol’ at ngayon nagbabalik ang star ng Ang Probinsyano, Yam Concepcion. Welcome back, Yam!”

Marunong bumawi si Yam na sinabihan si Kabayan ng, “Thank you, Kabayan, looking dashing tonight,” at saka ibinalita si Devon Seron, ang Media Congress sa Baguio na tinalakay ang paglaganap ng fake news, at ang pelikulang Ang Panday na first directorial job Coco Martin.

Klaro at napakalinis ng diction ni Yam at pasado talaga siya bilang TV host. Kung sabagay, Multi-Media Arts ang tinapos niya sa DLSU College of St. Benilde.

Pinangarap ni Yam na maging TV host kaya laking tuwa niya nang imbitahan siya ulit ng TV Patrol. At least nalalaman ng publiko na hindi lang pag-arte ang kaya niyang gawin, kaya rin niyang maging broadcaster.