Tiklo sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang school principal sa Tagbina, Surigao del Sur.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang suspek na si alyas "Jay," na 45 taong gulang. Kasalukuyan siyang may ranggong Principal III sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Tagbina District.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakuhanan siya ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6,800.
Narekober din mula sa suspek ang buy-bust money na ginamit ng isang PDEA agent na nagpanggap na customer upang matimbog ang suspek.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, matatandaang kamakailan lang ay isang school principal din ang nasakote ng mga awtoridad sa isang drug den sa Davao Oriental.
Narekober naman mula sa nasabing school principal ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na ₱50,000. Narekober din sa lugar ang ilang drug paraphernalia.
KAUGNAY NA BALITA: School Principal, timbog sa buy-bust operation!