Nina Vanne Elaine P. Terrazola, Leonel M. Abasola, at Genalyn D. Kabiling

Nagpahayag ng matinding galit ang ilang senador sa karumal-dumal na pagpatay sa 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman, na huling nakitang kasama ng pinatay ding si Carl Angelo Arnaiz, 19, bago nawala ang dalawa sa Cainta, Rizal nitong Agosto 18.

Miyerkules ng umaga nang matagpuan si De Guzman, makalipas ang dalawang linggo ng paghahanap, sa nakalutang sa isang sapa sa Gapan City, Nueva Ecija, at may 30 saksak sa katawan habang nakabalot ng packaging tape ang ulo.

Nag-tweet si Senator Sherwin Gatchalian ng, “Demonyo kayong pumatay sa 14-anyos na si Reynaldo De Guzman. Wala kayong kaluluwa.”

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Ikinagalit din ni Sen. Grace Poe na isa na namang menor de edad ang napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Siya ang vice chairperson ng Senate public order committee na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng 17-anyos na Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos, at maging ng kay Arnaiz.

BATANG HOLDAPER?

“Huwag naman sanang paikutin ang ulo natin na holdaper rin ang batang ito gaya ng pinalulutang na kuwento tungkol sa kanyang kasamang si Carl Angelo Arnaiz...Dapat gamitin ang buong puwersa ng sistema ng hustisya ng ating bansa para durugin ang mga salarin sa karumal-dumal na krimeng ito at matigil na ang walang habas na pagkitil ng buhay, lalo na ng mga kabataan,” saad sa pahayag ni Poe.

Kinondena rin ni Sen. Francis Pangilinan ang pamamaslang kay De Guzman at nanawagan sa Philippine National Police (PNP) na aksiyunan ang krimen at papanagutin ang nasa likod ng pagpatay.

ITIGIL ANG DRUG WAR!

“Kay Police Chief Gen. Bato dela Rosa, hanapin n’yo at papanagutin ang kumidnap, nagpahirap, at pumatay kay Reynaldo De Guzman...Gampanan n’yo ang tungkulin n’yo sa bayan: serve and protect. Hindi luha ang sukatan ng malasakit sa kapwa o sa paggampan sa trabaho,” ani Pangilinan, tinukoy ang pag-iyak ni dela Rosa habang ipinagtatanggol ang mga pulis sa pagdinig ng Senado nitong Martes.

Sinegundahan naman ni Sen. Joel Villanueva, miyembro ng mayorya, ang panawagan ni Pangilinan at sinabing ang PNP “should just terminate their operations and rethink the approach in addressing our drug problem”.

Nanawagan din si Sen. Bam Aquino sa pamahalaan na pag-aralan ang madugong drug war nito, lalo na at pawang teenager ang napapatay sa nakalipas na mga linggo, kasabay ng pagkondena sa pagpatay kay De Guzman.

“We call on the administration to suspend Oplan Double Barrel and rethink this bloody drug war. We call on all our countrymen to stand up against this culture of violence. We must put an end to all these killings,” ani Aquino.

Ang pagpapatigil din sa drug war ang apela ni Sen. JV Ejercito, habang iginiit naman ni Sen. Nancy Binay na malinaw ang indikasyong may kinalaman ang pagpatay kay De Guzman sa pamamaslang kay Arnaiz.

‘MAJOR RETHINKING’

Kaugnay nito, inihayag naman ng Malacañang na sasailalim sa “major rethinking” ang pagpapatupad sa drug war ng Pangulo sa gitna ng tumitinding galit ng publiko sa kontrobersiya sa pagkamatay ng tatlong teenager.

“The fact that the PNP is being investigated, that there are Senate hearings, this indicates that actually the whole nation is in the process of rethinking the way we do things so that is part now of the entire restructuring and renewing,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

“The campaign against illegal drugs is something that the President is entirely committed—his entire administration.

However, the manner in which these things are carried out need to really be re-examined,” dagdag ni Abella. “In other words, it’s not just one isolated event. It’s the whole process that we’re undergoing, that we can see that there is a rethinking. A major rethinking going on.”