Ni: Ric Valmonte

SA Davao City, muling ipinagtanggol ni Pangulong Duterte ang kanyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at ang kanyang manugang na si Atty. Manases Carpio, asawa ng kanyang anak na si Davao Mayor Sara Duterte, laban sa bintang sa kanila ng kurapsiyon. “Kung makapagpiprisinta kayo ng ebidensiya na sangkot sila sa korupsiyon, mas mabuti kung video, na tumatanggap sila ng pera, ako ay magbibitiw,” sabi ng Pangulo.

Idenepensa rin ng Pangulo ang kanyang manugang sa pagiging abogado para sa gumagawa ng sigarilyo na Mighty Corp. na may bilyong utang na buwis sa gobyerno. “Kaming mga abogado ay walang ibang motibo kundi ang mag-abogado lang. Gaya ng mga doktor, hindi mo sila mapupulaan kung gagamutin nila ang kalaban,” wika pa ng Pangulo.

Sa nangyayari ngayong walang tigil ang patayan sa pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo, hindi ko alam kung sino ang magkakalakas ng loob na lumitaw at magprisinta ng ebidensiya laban sa kanyang anak at manugang, na sangkot ang mga ito sa kurapsiyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pagkatapos mapatay si Mayor Rolando Espinosa, Sr. ng Albuera, Leyte sa loob ng kulungan at si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. ng Ozamiz City, Misamis Occidental, sa palagay kaya ninyo ay hindi katatakutan ang mga nangyaring ito ng sinumang magpapahamak sa dalawa kahit may tangan silang ebidensiya?

Ayan na nga’t binawi na ni broker-fixer Mark Taguba II ang mga nauna niyang pahayag sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa paglusot ng P6.4-bilyon shabu sa Bureau of Customs (BoC). “Fake news” daw iyong naging epekto ng kanyang testimoniya na nagdadawit kina VM Paolo at Atty. Carpio na sangkot ang mga ito sa illegal shipment ng shabu o anumang anomalya sa BoC.

Pero, malaki ang pagkakaiba ng doktor sa abogado sa paggamit nila ng kanilang propesyon. Sa paggamot ng doktor sa sinuman kahit kalaban, may professional fee o wala, ay dapat niya itong gawin dahil ito ay atas ng tungkulin. Sa pangkalahatan, nagliligtas sila ng buhay.

Hindi ako naniniwala na pro bono ang serbisyo ni Atty. Carpio sa pagharap niya bilang abogado ng Mighty Corp.

Ipagpalagay natin na tumutulong lamang siya sa mga negosyanteng nagnanais na mapabilis ang paglabas ng kanilang kargamento... sa BoC, paano naman iyong mga negosyanteng walang koneksiyon sa gobyerno? Anong tulong ang ibibigay niya sa Mighty Corp. na bilyon ang pagkakautang na buwis sa gobyerno? Maoobliga ba niya ito na bayaran ang tamang buwis na sinisingil dito? At kung mapagbayad niya ito ng napakababa at pumayag ang gobyerno, hindi maiaalis na nangyari ito dahil sa kanyang impluwensiya kahit ito ay naaayon sa batas.

Iba’t ibang administrasyon ang nagpatakbo ng gobyerno bago si Pangulong Digong. Mayroon din kinikilalang abogado o grupo ng mga abogado ang mga ito, tulad ng nangyayari kina Pangulong Digong at Atty. Carpio. Halimbawa, sa panahon ni Pangulong Gloria, ang pinakamalapit at malakas na grupo ng mga abogado sa kanya ay kung tawagin sa sirkulo naming mga abogado ay “The Firm”.

Ang malaking problema nga lang sa pamahalaan ni Pangulong Digong, sa kanyang war on drugs, ay pumapatay ito ng mga tao, kahit bata at inosenteng sibilyan, sa hangarin nitong maging mapayapa at ligtas ang sambayanan. Pero kailangang maging malinis ang kamay nito sa pagpatay.