Ni: Bert de Guzman
KUNG si PNP Supt. Marvin Marcos na akusado ng murder sa pagpatay kay Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinoza, suspected drug lord sa Eastern Visayas, na binaril sa loob ng kanyang selda sa Baybay, Leyte, ay “sinagip” umano ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), mukhang mamamalasin ang tatlong pulis-Calooocan City na pinaghihinalaang pumatay sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd delos Santos noong Agosto 16.
Si Marcos, dating hepe ng PNP Region 8 CIDG, ay na-promote at hinirang pa ni Gen. Bato na hepe ng PNP Region 11.
Higit na pinaniwalaan ni PRRD ang bersiyon ng police (nina Marcos) na nanlaban ang ama ni Kerwin Espinosa kaysa bersiyon ng dalawang komite ng Senado na pinamumunuan nina Sen. Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson.
Sa inilabas na findings ng dalawang komite, lumilitaw na sinadya ang pagpatay sa alkalde. Maging si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II na dumalo sa pagdinig noon ay nagpahayag ng paniniwalang “premeditated” ang pagpatay kay Espinosa. Walang nagawa si Aguirre kundi ibaba ang kasong murder laban kay Marcos para maging homicide na lang. Dahil dito, nakapagpiyansa si Marcos at kasamahang mga pulis.
Sa kaso ng tatlong pipitsuging pulis-Caloocan---PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz, at PO1 Jeremias Pereda, malamang na sampolan sila nina Mano Digong at Bato upang ipakita sa taumbayan na hindi nila kinukunsinti ang mga tarantadong pulis. Limiing mabuti: Si Marcos ay isang PNP Superintendent (katumbas ng Lt. Col. sa military) samantalang ang tatlong pulis ay ordinaryo at walang ranggo.
Bukod dito, nagkaroon ng OUTRAGE o matinding pagkagalit ang mga mamamayan sa pagpaslang kay Kian na “tinaniman” pa ng isang .45 cal pistol sa kaliwang kamay (gayong ang bata ay right-handed) at inakusahan pang drug courier, gayong siya ay isang tahimik na estudyante, walang rekord sa droga, at hindi kasama sa watchlist ng barangay.
Parang lumalakas ang loob at nagiging matapang at brutal ang mga pulis bunsod ng malimit sabihin sa publiko na “Walang pulis na makukulong. Sagot ko sila. Sakaling makulong, agad kong ipa-pardon dahil sa pagtupad sa tungkulin laban sa illegal drug war.” Mr. President, kapuri-puri ang giyera mo sa bawal na gamot, suportado ito ng mga Pinoy.
Ang ayaw at kinukuwestiyon nila ay ang pamamaraan ng pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users. Laging katwiran ang NANLABAN kasi. Paano pabubulaanan ng biktima na hindi siya nanlaban kundi basta binaril na lang, eh patay na siya. At hindi rin pinaniniwalaan ang mga testigo o kaanak na hindi nanlaban at walang baril ang biktima.
Nakakikilabot ang inilulunsad na “One Time-Big Time” operations ng mga pulis laban sa drug pushers at users. Sa Bulacan, 32 ang napatay sa loob ng 24 oras. Sa Maynila, 25 ang itinumba sa loob din ng isang araw. Samantala, ang mga suspect sa pagpupuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa Customs ay nasa Senado, buhay at nagpapaliwanag.
Sabi nga ng mga tao, kung ang itinutumba ng mga tauhan ni Bato ay drug lord-smugglers, big-time shabu suppliers, baka palakpakan nila ang mga pulis. Inuulit natin: Kung walang nagpupuslit at nagsu-supply ng shabu, walang pushers at users sa mga lansangan at bahay-bahay!