Ni: Chito Chavez, Rommel Tabbad, Liezle Basa Iñigo, at Bella Gamotea

Itinaas ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang storm warning signal sa 21 lugar sa Luzon, at nagbabala sa mga ito na manatiling alerto sa posibilidad ng baha at pagguho ng lupa dahil sa bagyong ‘Jolina’ (international name: Pakhar).

Nakataas ang Signal No. 2 sa Isabela, Northern Aurora, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, Benguet, Abra, at Nueva Vizcaya.

Isinailalim naman sa Signal No. 1 ang Cagayan kabilang ang Babuyan group of islands, Apayao, La Union, iba pang bahagi ng Aurora, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Pangasinan, Northern Luzon kabilang ang Polillo Island, Catanduanes, Camarines Norte, at Camarines Sur.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa weather bulletin ng PAGASA bandang 2:00 ng hapon kahapon, namataan ang Jolina sa 145 kilometro sa timog-silangan ng Casiguran, Aurora na may lakas ng hanging aabot sa 80 kilometers per hour (kph), at bugsong 95 kph.

Nagbabala rin ang PAGASA laban sa paglalayag sa hilagang Luzon kaugnay ng bagyo, na inaasahang magla-landfall sa Aurora nitong Biyernes ng gabi.

Inaasahan namang sa Martes pa ng umaga lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo.

Dahil dito, kinansela na kahapon ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na walang pasok sa lahat ng pre-school hanggang senior high school sa buong Cagayan dahil sa bagyo, batay na rin sa rekomendasyon ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office.

Nakansela rin ang ilang domestic flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kahapon ng umaga.

Sa pahayag ng Manila International Airport Authority (MIAA) Media Affairs, dakong 9:00 ng umaga kahapon, ipinasya ng Philippine Airlines, Cebu Pacific, at CebGo ang pagkansela sa walong flights para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.