Ni: Mary Ann Santiago
Tatlong katao, kabilang ang isang 15-anyos na lalaki at isang barangay kagawad, ang pinagbabaril at napatay ng guwardiya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nang magpumilit dumaan sa ibabaw ng tunnel na kanyang binabantayan sa Tanay, Rizal kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Andy Peralta, 40, barangay kagawad sa Barangay Laiban, sa Tanay; Graceman Boni Patricio, 30, magsasaka at Rod Charles Javier, 15, estudyante ng Laiban National High School, at pawang ng Sitio Manggahan, sa Bgy. Laiban.
Pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na si Nestorio Suarez, 52, tubong Iloilo City, at residente rin ng Sitio Manggahan.
Sa ulat ni PO3 Dan Dojillo, ng Tanay PNP, naganap ang masaker sa loob ng lote ng MWSS na matatagpuan sa Sitio Manggahan, bandang 7:00 ng umaga.
Sa salaysay ng testigong si Rhodora Peralta, kaanak ni Andy, bago ang insidente ay nagtungo sa kanilang tahanan sina Patricio at Javier at nagsumbong kay Andy na ayaw silang padaanin ni Suarez sa ibabaw ng tunnel, gayong mataas na ang tubig-baha sa ilalim ng tunnel na dati nilang dinaraanan palabas ng Sitio.
Dahil dito, nagpasya umano si Andy na samahan ang dalawa at nakiusap sa guwardiya na payagan silang dumaan.
Makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na lang umano si Rhodora ng mga putok ng baril hanggang sa nakarating sa kanya na patay na ang tatlo.