Nina GENALYN KABILING at JEL SANTOS, May ulat nina Mary Ann Santiago at Beth Camia

Hindi 100 porsiyentong pinaniniwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang impormasyon ng pulisya na drug courier ang 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd delos Santos na napatay sa anti-drug operation ng pulisya.

Ayon kay Duterte, posibleng mali ang intelligence information tungkol sa binatilyong estudyante ng Grade 11, at maaaring hindi pa nga magamit sa korte ang nasabing impormasyon.

“No, intel is intel,” sinabi ng Pangulo nang kapanayamin ng media sa Malacañang nitong Lunes ng gabi, nang tanungin siya kung naniniwala siyang isang drug runner si delos Santos gaya ng sinasabi ng pulisya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“There is no probative value. You cannot use it in court and to the people. Those are just information gathered by the police and the military. It is an internal thing. Hindi mo masabi na, ‘Itong intel na ito’. Maya-maya mali ‘yan,” sabi ni Duterte.

Tiniyak din ng Pangulo na sakaling mapatunayang rubout ang insidente ay siya mismo ang magpapakulong sa tatlong pulis-Caloocan na sangkot sa pagpatay kay delos Santos, at siniguro niyang mabubulok sa kulungan ang mga ito.

“Kung talagang rubout kung ganun, maasahan ninyo, they have to answer for it. They have to go to jail, so I am sorry,” anang Presidente.

Nang tanungin kung patatawarin ba niya ang mga pulis na pumatay kay delos Santos, sinabi ni Duterte: “No, because I saw the evidence.”

Ayon sa Pangulo, napanood niya ang CCTV footage na makikita si delos Santos habang kinakaladkad ng ilang pulis patungo sa eskinita.

Pinaalalahanan din niya ang mga pulis laban sa pagpatay sa drug suspects na hindi pumapalag: “You have no duty to murder a person. To arrest him, and if there is resistance to overcome his arrest, and in the process killing him, ‘yan ang performance of duty.”

“Pero ‘yung arestado na, nakaupo na diyan, barilin mo, that’s another thing. That would be murder or homicide,” ani Duterte.

‘KINAMPIHAN ANG ANAK KO’

Kaugnay nito, mistulan namang nabunutan ng tinik ang pamilya delos Santos matapos na mapanood ang press conference ng Pangulo.

“Parang kinampihan po ang anak ko nang nalaman ni Pangulong Duterte ang katotohanan. Siyempre, nabawasan po ang pagkatakot namin para sa aming mga buhay,” sabi ni Saldy Delos Santos, ama ng binatilyo. “Ang amin lang talaga ay mabigyan ng hustisya ang anak ko.”

Kasabay nito, kinumpirma kahapon ng Department of Education (DepEd) na malinis ang record ni delos Santos sa paaralang pinapasukan nito, at sa katunayan ay nasa ilalim pa nga ang binatilyo ng voucher program ng kagawaran.

MAGANDA ANG SCHOOL RECORDS

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, bago maisailalim sa voucher program ay dapat munang maganda ang record ng isang estudyante.

Wala rin aniyang negatibong report laban kay delos Santos sa mga paaralan nito, na inilarawan ding mabait na bata at masikap sa pag-aaral.

Una nang kinondena ng DepEd ang pamamaslang ng mga pulis sa estudyante.

Samantala, hindi na kasali sa pag-raffle ng kasong isasampa laban sa tatlong pulis-Caloocan si Prosecutor Darwin Canete para maiwasan ang prejudgment sa kaso.

Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kapag naihain na ang reklamo sa Prosecutor’s Office ng Caloocan ay hindi na kasama si Canete sa mga pagpipilian para humawak sa kaso, kasunod na rin ng panawagan ni Senador Franklin Drilon na sibakin ang piskal dahil sa mga pahayag nito na posibleng hindi naman talaga inosente ang binatilyo.

Gayunman, tinutulan ni Aguirre ang hiling ni Drilon.