Hindi na naihatid pa ng tricycle driver ang kanyang pasahero matapos itong barilin at mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Highway Hills sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.

Agad nalagutan ng hininga si Erickson Valerio, 40, ng MRR Street, Purok 4, Bgy. Pineda, Mandaluyong City, dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Sa imbestigasyon ng Mandaluyong City Police na ipinarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), naganap ang pamamaril sa tapat ng isang tindahan sa Sheridan St., Bgy. Highway Hills, dakong 12:15 ng madaling araw.

Sa salaysay ni Monica Barroa, pasahero ng biktima, nakasakay siya sa tricycle ng biktima at ihahatid siya nito sa kanyang destinasyon nang pagsapit sa Sheridan St. ay nakarinig siya ng putok ng baril.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Napalingon umano siya kay Valerio at sinabihan pa siya nito na may tama siya ng bala sa dibdib.

Inaalam na ng awtoridad kung may kinalaman ang pagpatay sa away-trapiko na kinasangkutan ng biktima kamakalawa ng gabi. - Mary Ann Santiago