Ni: PNA

29th Southeast Asian Games, pormal na magbubukas ngayon.

KUALA LUMPUR – Paparada ang delegasyon ng Pilipinas – 493 atleta at 120 opisyal at personnel – kasama ang 10 mga bansa sa parade of the athletes bilang simbolo sa pormal na pagbubukas ng 29th Southeast Asian Games sa bagong ayos na Bukit Jalil National Stadium ngayong gabi.

Pangungunahan ni Rio Olympics taekwondo jin Kristine Alora, bilang flag-bearer, ang delegasyon na target na malagpasan ang ikaanim na puwestong pagtatapos sa Singaore edition may dalawang taon na ang nakalilipas (29 ginto, 36 silver at 66 bronze).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We’re all upbeat. Actually, we’re off to a good star as our sepak takraw athletes won a silver while our archers won two bronzes already. The football and water polo also showed fine form,” sambit ni gymnastics president Cynthia Carrion, ang Chief of Mission ng RP delegation.

Nauna nang ibinigay ni Carrion ang prediksyon na kakayanin ng Pinoy na makamit ang 50 gintong medalya sa Kuala Lumpur, sapat para makapasok sa Top 3.

“Based on the record submitted to us by the different national sports association, we are capable to win more than 50 gold medals. But I said, 50 is enough,” aniya.

Dumating na sa Kuala Lumpur ang kabuuan ng koponan, kabilang sina Philippine Sports Commission (PSC) commissioners Ramon ‘El Presidente’ Fernandez at Charles Maxey na mangangasiwa sa mga pangangailangan ng mga atleta.

Sa gaganaping SEA Games Federation meeting, inaasahan ding mailuluklok si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang SEAGF president. Pormal ding ipapahayag ni Cojuangco ang kahandaan ng bansa para sa hosting ng 2019 edition.

Nitong Huwebes, ibinigay ng Pangulong Duterte ang ‘go signal’ para sa hosting ng biennial meet na huling ginanap sa bansa noong 2005 kung saan nakuha ng Pinoy ang kauna-unahang overall championship.

Ipinahayag ni Malaysian Youth and Sports Minister YB Brig Gen Khairy Jamaluddin na simple, ngunit punong-puno ng tradisyon ang inihandang opening ceremony.

“We promise you a will mix of cultural music and dance…this is a journey not only about Malaysia, but something that the rest of the region can appreciate. They will see diversity, celebrating arts, music, showcasing the confident and heritage of this country,” sambit ni YB Brig Gen Khairy.