Ni: Jel Santos

Dinakma ang dating pulis, na nag-absent without official leave (AWOL), matapos umano nitong barilin ang isang teenager sa Malabon City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ng awtoridad ang suspek na si David Bolor, 34, dating PNP-SAF member, ng Navotas City. Ang biktima ay 14 anyos at Grade 6 student.

Base sa imbestigasyon, inaresto si Bolor sa follow-up operation sa kahabaan ng Pampano Street, Barangay Longos, Malabon, dakong 11:55 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakuha sa kanya ang caliber .9 mm pistol.

Una rito, namataan ang lasing na suspek sa Block 58 sa Bgy. Longos na sakay sa kanyang motorsiklo.

Nilapitan umano niya ang grupo ng mga babae sa nasabing lugar at sinabing: “Sino ang nagshashabu rito?”

Sinabi ng mga saksi na bumunot ng baril si Bolor at itinutok sa mga babae.

Nagtakbuhan ang mga babae, ngunit isa sa mga ito ang tinamaan sa katawan at isinugod sa Tondo Medical Hospital.

Patuloy itong nagpapagaling sa ospital, ayon sa pulis.

Kasalukuyang nakakulong si Bolor sa Malabon City police headquarters.