Ni: Lyka Manalo

TANAUAN CITY, Batangas - Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ang sinasakyan nitong kotse habang binabagtas ang isang tulay sa Tanauan City, Batangas.

Kinilala ang biktimang si PO3 Eric Lindo, 46, dating nakatalaga sa Sto. Tomas Police, at nailipat na sa Holding Center ng Camp Crame, Quezon City.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 2:00 ng hapon nitong Miyerkules at sakay si Lindo sa itim na Mitsubishi Lancer (PLR-758) nang pagbabarilin sa tulay, sa pagitan ng Barangay Pagaspas sa Tanauan City at bayan ng Sto. Tomas.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagawa pa umanong makababa ng sasakyan at tumakbo ng pulis pero hinabol siya ng suspek at pinagbabaril.

Nakaligtas naman ang kasamang helper ni Lindo na si Cristoto Manimtim.

Matapos pagbabarilin ay tinangay umano ng mga suspek ang bag at baril ng pulis bago tumakas sakay sa asul na kotseng walang plaka.

Narekober ng pulisya ang 29 na basyo ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.