Ni: Bert de Guzman

NAKAHINGA nang maluwag ang mga Pilipino pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) dahil kakaunti lang daw ang pagmumura at halos walang sinambit na rape jokes.

Sa halip, ang napagtuunan ng galit at parunggit ni Mano Digong ay ang New People’s Army (NPA) dahil sa patuloy na pananambang at pagpatay sa mga kawal at pulis sa iba’t ibang panig ng bansa habang nakikipag-usap ng kapayapaan ang liderato ng CPP-NPA-NDF sa gobyernong Duterte.

Binira ni PRRD sa ikalawa niyang SONA si Jose Ma. Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), dahil sa utos ng CPP na maglunsad at paigtingin pa ang opensiba at pag-atake ng NPA sa pamahalaan bilang protesta sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ng limang buwan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa inis ni Pres. Rody sa kanyang dating propesor, muntik na niya itong murahin, pero pinayuhan na lang niyang uminom si Joma ng Tang...juice. Ibinunyag din niyang si Sison ay matanda na at may malubhang sakit--- colon cancer!

Nagpupuyos sa galit si PDU30 sa NPA dahil sa pag-ambush sa isang Presidential Security Group (PSG) van sa Aracan, North Cotabato. Apat na kawal ang nasugatan. “Buti na lang hindi ako nakasakay roon. Eh, kung andun ako at napatay, sino pa ang kakausap sa inyo?”

Tahasang sinabi ng Pangulo na hindi na siya makikipag-usap sa kilusang komunista sapagkat hindi naman sinusunod ng NPA ang liderato ni Joma na nakabase sa The Netherlands.

”Sa mga Kaliwa (Left), ‘di na ako makikipag-usap sa inyo. Why should I?”. Inakusahan daw siya ni Joma na isang bully, lasing sa kapangyarihan at martial law. Inamin ni PRRD na siya ay isang bully, pero bully lang sa mga kaaway ng Estado. “If you don’t want to talk to me, I don’t want to talk to you”. Kung gusto raw ng NPA ang giyera, tuloy ang giyera. Nagbantang pagkatapos sa Maute Group, ang gigiyerahin ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ay ang NPA.

Sa panig ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi niyang iginigiit ng CPP-NPA-NDF na makipag-usap sa gobyerno upang magkaroon sila ng panahon na makapag-recruit ng bagong mga kasapi. Para kay Gen. Bato, dapat malaman ng gobyerno at ng taumbayan na hindi sinsero ang NPA sa pagtatamo ng kapayapaan sa bansa.

Sa 2017 SONA, binigyang-diin ni Pres. Rody na tuloy ang giyera sa illegal drugs. Hindi raw siya titigil hangga’t hindi napupuksa ang salot ng bawal na gamot na sumisira sa utak ng kabataan. Binanatan niya ang Amerika at European Union dahil sa pagpuna sa estilo ng kanyang kampanya laban sa illegal drugs. Nababahiran umano ng extrajudicial killings (EKJs) at human rights violations (HRVs).

Hindi rin niya nakalimutang banatan si Sen. Leila de Lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame. Dinalaw siya ng mga mambabatas ng European Parliament. Hindi napigilan ng Pangulo na murahin ang ilang sektor ng media, tulad ng Inquirer, ABS-CBN at Rappler dahil sa walang lubay na pagpuna sa kanya sapul nang maupo bilang presidente ng Pilipinas na ibinoto ng 16.6 milyong Pinoy. Pero, pinuri niya si Ted Failon ng ABS-CBN dahil sa mining coverage nito.

Pinuri ni Mano Digong ang China dahil sa pagtulong sa Pilipinas. Nang i-focus ang camera sa upuan ng mga dignitary, makikita ang ngiti ng kasiyahan ng Chinese Ambassador samantalang walang kangiti-ngiti si United States Ambassador Sung Kim nang birahin niya ang US dahil sa pagsamsam at pagnanakaw sa Balangiga Bells (mga kampana) sa Samar noong pacification campaign at imasaker ang mga residente roon.