Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Nakatakdang isumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang 2018 national budget na nagkakalaga ng P3.767 trilyon sa Kongreso sa araw ng kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24, inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) kahapon.
Sinabi ni Budget Secretary Ben Diokno, sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga, na ito ang unang pagkakataon na isusumite kasabay ng SONA ang panukalang national budget.
“The President plans to submit the budget on the day of the SONA itself. So that’s a first time in Philippine history. Why are we doing this, so we can have an early start for the 2018,” paliwanag ni Diokno.
Ayon kay Diokno, ang pinakamalaking bahagi ng panukalang budget ay mapupunta pa rin sa edukasyo at kasunod sa infrastructure development.
Kinakatawan ng 2018 budget ang 21.6 porsiyentong tinatayang gross domestic product (GDP) para sa susunod na taon, at 12.4% na mas mataas kaysa 2017 budget na P3.35 trilyon.
Ibibigay sa sektor ng edukasyon ang pinakamataas na budget allocation na may kabuuang P691.1 bilyon, at mapupunta sa Department of Education (DepEd) ang P613.05B, Commission on Higher Education (CHED), P13.5B; at State Universities and Colleges (SUCs), P64.6B.
Sinabi ni Diokno na ang panukalang budget ay consistent din sa programang “Build, Build, Build” ni Duterte upang pasimulan ang “golden age of infrastructure in the Philippines.”
Malaking budget din ang ibubuhos sa Department of Public Works and Highways (DPWH), P643.3B, at Department of Transportation (DOTr), P73.8B.