Ni Rommel P. Tabbad, Fer Taboy at Beth Camia
May ebidensiya ang Public Attorney's Office (PAO) na hindi si Dexter Carlos ang pumatay sa lima niyang kapamilya sa kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan, noong Hulyo 27.
Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, hindi dapat ituring ng Philippine National Police (PNP) si Carlos bilang person of interest sa kaso.
Kabilang sa ebidensya ang CCTV footage at salaysay ng mga katrabaho ni Carlos na nasa duty siya bilang security guard nang minasaker ang kanyang biyenang babae, asawa at tatlong anak.
Inihayag ng PNP na isasama nito si Carlos sa mga taong dapat sumailalim sa pagsisiyasat kaugnay ng kaso.
Isasailalim din sa lie detector test si Carlos sa kabila nang pag-amin ng pangunahing suspect na si Carmelino Ibanez.
Naging masalimuot ang kaso nang bawiin ni Ibanez ang pag-amin na isa siya sa mga pumatay sa lima at sinabing pinahirapan siya ng mga pulis upang akuin ang krimen.
Tatlo na sa mga person of interest sa masaker ang natagpuang patay at may mga naghihinalang biktima sila ng extrajudicial killing.
Sinabi ni Acosta na hindi niya iaalok ang kanyang serbisyo bilang legal counsel ni Carlos kung alam niyang sangkot ito sa krimen.
Pinayuhan niya ang PNP na konsultahin ang isang forensic psychologist para maliwanagan ang sitwasyon at kalagayan ng mga saksi at persons of interest.