Nina FER TABOY at AARON RECUENCO

Ibinida ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na umabot na sa 260 pulis ang sinibak niya sa tungkulin sa nakalipas na isang taon.

Sa turnover ceremony sa headquarters ng Police Regional Office (PRO)-5 sa Legazpi City, Albay, sinabi ni dela Rosa na nakapanglulumo ang pagkakasangkot ng ilang pulis at maging ng ilang lokal na opisyal sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Aniya, sa buong panahon ng PNP ay sa ilalim lamang ng kanyang pamumuno nagkaroon ng mataas na bilang ng mga pulis na sinibak sa puwesto at sa serbisyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi niyang umabot na sa 260 ang pulis na nasibak niya, at madadagdagan pa, aniya, ito.

“Most of them were sacked due to involvement in illegal drugs. Some were kotong cops. I removed their uniform, they don’t deserve it in the first place,” ani dela Rosa.

Ayon kay Dela Rosa, magpapatuloy ang internal cleansing sa kanilang hanay, at wala siyang pakialam kung iilang pulis na lamang ang matira sa isang istasyon, dahil ang mahalaga ay ang kalidad ng trabaho ng mga ito.

80 PA, SIBAK DIN

Kinumpirma rin kahapon ni dela Rosa na pinirmahan na niya ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS) para sa pagsibak sa serbisyo sa 80 pulis.

“I have already signed the resolutions from IAS,” ani dela Rosa.

Kabilang sa 80 huling sinibak sa PNP sina Supt. Lito Cabamongan, dating hepe ng satellite office ng Crime Laboratory sa Muntinlupa City; at Supt. Maria Cristina Nobleza, dating deputy chief ng Crime Laboratory sa Davao Region.

Matatandaang naaresto si Cabamongan sa Las Piñas City matapos mahuli sa aktong bumabatak, habang akusado naman si Nobleza sa pagtatangkang iligtas ang mga sugatang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Bohol.

Kapwa kinasuhan ng grave misconduct sina Cabamongan at Nobleza, at may katapat itong parusa na pagsibak sa serbisyo.

NALIGTAS

Gayunman, may tatlo hanggang apat na pulis na inirekomenda ng IAS na sibakin ngunit binigyan pa ni dela Rosa ng ikalawang pagkakataon.

“They were recommended for dismissal but I returned the case (to IAS) and told them to review because I believe such penalty is too harsh for their cases,” ani dela Rosa, sinabing ipinasisibak ang apat na pulis dahil sa hindi pagbabayad ng utang.

“Maybe the IAS saw something that prompted them to recommend for their dismissal but what I saw is that their cases need review,” ani dela Rosa. “They did not pay their debt and yet they would be dismissed immediately?”