Ni: Camcer Ordoñez Imam

CAGAYAN DE ORO CITY – Nilusob kahapon ng composite team ng Martial Law-Special Action Group (ML-SAG) ang isang bahay sa Barangay Macasandig sa Cagayan de Oro City, at inaresto ang tatlong katao na pinaniniwalaang may kaugnayan sa Maute Group.

Pero, ayon sa Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) na pinagdalhan at pinagkulungan sa tatlong suspek, ang tatlo ay inimbitahan lamang para sa ilang katanungan na kailangang sagutin ng mga ito.

Inaresto sa raid sina Gazim Mantawazi Abdullah, Monaliza Solaiman Romato, at Tahera Romato Taher. Nahuli sila sa loob ng bahay na inuupahan ni Irene Romato Idris sa Bgy. Macasandig, dakong 4:30 ng umaga kahapon.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang pag-aresto ay sa bisa ng search warrant na iniisyu ni Judge Dennis Alcantar ng Regional Trial Court Branch 18.

Nakumpiska sa mga inaresto ang tatlong M203 grenade (40 millimeter high explosive), isang blasting cap, isang 9-volt battery with battery holder, isang C4 explosive, walong detonating cords, 19 na 100-watt incandescent bulbs, isang jungle knife, isang plastic bag at plastic bottle na may hinihinalang ammonium nitrate.

Ayon kay Chief Insp. Mardy Hortillosa, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police, si Idris ay pamangkin ni Ominta “Farhana” Romato-Maute, ang ina ng Maute Brothers na sina Omarkhayam at Abdullah.

Sinabi ni Hontillosa na ang mga nakumpiskang item ay posibleng gagamitin sa paggawa ng improvised explosive device.

Sinabi ni Hortillosa na si Idris ang pumalit sa posisyon ni Farhana bilang financier ng grupo nang maaresto ang huli habang nagtatangkang tumakas sa Lanao del Sur noong nakaraang buwan.

Sinabi niya na si Idris at ang tatlong suspek ay pinagdududahang may kinalaman sa mga operasyon ng Maute Group.

Ayon kay Hortillosa, ang mga inarestong suspek ay maaaring kasuhan ng rebelyon at illegal possession of explosives.