Ni: Francis T. Wakefield
Inaresto ng nagsanib-puwersang Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ang anim na pinaghihinalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at nakakumpiska ng anim na de-kalibreng armas matapos ang isang-oras na bakbakan sa Maguindanao kahapon.
Ang mga naarestong miyembro ng BIFF ay kinilalang sina Bastun Baguil, Mulawan Lagala, Agila Yusop, Muslimen Luminda, Mukalam Salabu, at Lumna Dilamex.
Ayon kay Col. Bismarck Soliba, commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade, isinagawa ang operasyon upang protektahan ang publiko sa kaguluhan.
“We wanted to prevent the BIFF from initiating terroristic actions against peaceful communities,” ani Soliba.
Kabilang sa mga nakumpiskang armas ang dalawang .50 caliber Barret sniper rifle, isang M60 Machinegun, isang RPG, isang M14 rifle at isang M16 rifle.
Sinabi ni Soliba na walang naiulat na nasaktan sa panig ng militar.