Ni: Charina Clarisse L. Echaluce

May kabuuang 27 ang namatay na Marawi City evacuees, isang buwan matapos magsimula ang bakbakan sa siyudad laban sa mga teroristang Maute, kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH).

Nitong Hunyo 26, tatlo pang bakwit ang namatay, pagkukumpirma ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial.

“So far we have three verified, so total is 27 as of yesterday,” ani Ubial.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ito ay kabilang sa 76 na kaso na in-admit sa ospital nang malaman na kinakailangan ng atensiyong medikal.

Sa datos mula sa DoH, aabot sa 2,013 Marawi evacuees – kabilang ang 27 namatay – ang isinugod sa ospital, hanggang nitong Hunyo 26. Nasa 1,891 naman ang nakalabas na ng ospital.

Mayroon namang 4,148 pasyente na nagpakonsulta at pinayagang magpagaling sa labas ng pagamutan.

Napag-alaman na dehydration at pneumonia ang sanhi ng pagkamatay ng mga bagong kaso.