Ni: Bert de Guzman
HABANG isinusulat ko ito, hindi pa tapos ang bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at ng teroristang Maute Group (MG) na katuwang ang tulisang Abu Sayyaf Group (ASG) at maging ang tampalasang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Hindi pa rin malaman kung nakapuslit na sa war zone si Isnilon Hapilon, ang itinuturing na Emir ng Islamic State (IS) sa Mindanao, at ang Maute brothers, sina Omar Khayam at Abdullah.
Ang kanilang mga magulang, sina Cayamora at Farhana, ay naaresto na ng mga pulis at sundalo habang tumatakas. Si Cayamora, ang patriarch ng Maute Group, ay nadakip sa isang checkpoint sa Davao City samantalang si Farhana, ang Maute matriarch and financier, ay nadakip din sa ibang lugar sa Iligan City o Cagayan de Oro kasama ang ilang sugatang terorista at kababaihan.
Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay aminado na posibleng nakalusot o nakatakas ang ilang miyembro ng MG mula sa Marawi City na sumama sa mga bakwit sa pagpunta sa Iligan City o Cagayan de Oro City. Ayon sa AFP, maaaring sumanib ang Islamist militants sa mga evacuee at nakapuslit sa matinding labanan na halos mag-iisang buwan na.
Samantala, ang pinakapuno ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), si Abu Bakr al-Baghdadi, ay napatay umano sa airstrike ng Russia sa Raffa, Syria. Kinukumpirma pa ito (as of press time) kung ang pinakamataas ng ISIS ay talagang napatay. Kung totoo ang pahayag ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na humihina na ang teroristang MG sa Marawi City at labis na ang pagkabawas ng kanilang snipers at armadong tauhan, wala na silang kakayahan pang maglunsad ng malawakang pag-atake. Ang mahalaga rito ay madakip o mapatay sina Hapilon at ang magkapatid na Maute.
Noong Sabado, banner story ng isang English broadsheet ang ganito: “Rody returns to work today.” Batay sa report mula sa Davao City, winakasan na ni Mano Digong ang kanyang “private rest time” at siya’y magtutungo sa Cabadbaran, Agusan del Norte at Butuan City. Kumakalat kasi ang mga haka-haka na may sakit ang Pangulo dahil hindi siya nakadalo sa Independence Day sa Luneta. Sa halip, si Vice Pres. Leni Robredo ang nanguna sa pagtaas sa tagdan ng watawat.
Sinabi ni Christopher “Bong” Go, special assistant to the President, inimbitahan siya ni Agusan Gov. Angel Amante.
Pagkatapos nito, ang Pangulo ay pupunta sa headquarters ng Air Force Tactical Operations Group sa Bancasi, Butuan City. Inaasahan ding lalahok siya sa “boodle fight” sa Bancasi. Ito ay sinulat ko nang advance. Sana ay natuloy ito.
Umaasa ang taumbayan na nakapamahinga na ang Pangulo nang husto at balik na rin ang kanyang kalusugan. Lubhang napagod ang 72-anyos na Punong Ehekutibo sa nakalipas na ilang araw sapul nang umatake ang Maute Group sa Marawi City. Maraming kawal, pulis at sibilyan ang namatay sa katampalasanan ng teroristang grupo na naghahangad daw na magtatag ng isang Caliphate sa Katimugan (Mindanao) at pairalin ang radikal na mga batas ng IS.
Siyanga pala, sa kabila ng libu-libong bakwit na nangakatira sa mga evacuation center, may lighter side o nakatutuwa ring pangyayari sa malupit na digmaang nararanasan ng may 200,000 residente ng siyudad. Isang babae ang nagsilang ng sanggol na lalaki na pinangalanan niyang MARTIAL, sunod sa martial law na idineklara ni Pres. Rody. Isa pang buntis ang nagsabing kapag ang kanyang anak ay naging lalaki (manganganak siya ngayong buwan), Martial din ang ibibigay niyang pangalan, pero kapag babae, tatawagin niya itong MARTIALA.