Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay na nang matagpuan ang isang 55-anyos na Physical Education (P.E.) teacher na umano’y uminom ng “pampatigas” o sexual enhancement drug bago makipagtalik sa isang motel sa Mandaluyong City kamakalawa.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang biktima na si “Emmanuel”, ng Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police, bangkay na nang matagpuan ang biktima sa loob ng kuwarto ng isang motel sa Barangay Pag-asa, bandang 3:30 ng hapon.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Sa salaysay ni Crisanto, supervisor ng motel, ganap na 11:00 ng umaga nag-check in ang biktima, kasama ang isang babae, para sa short time o tatlong oras na pananatili.

Gayunman, makalipas ang tatlong oras ay kinatok umano ng hotel staff ang biktima upang paalalahanan na malapit na ang oras ng kanilang pag-check out, ngunit walang sumasagot.

Dahil dito, nagdesisyon ang hotel staff na buksan ang pinto ng kuwarto ng biktima at tuluyang bumulaga ang bangkay.

Wala na umano sa kuwarto ang babaeng kasama ng biktima.

Narekober sa pinangyarihan ang kalahating tableta ng umano’y sexual enhancement drugs.

Inaalam na ng awtoridad kung may foul play na nangyari.