Mga karibal, pipigilan ang Sepfourteen sa 2nd leg ng ‘Triple Crown’.

KUNG kailangang magkayod-marino ang liyamadong Sepfourteen, ito ang aasahan ng bayang karerista sa pagtatangka nitong makalapit sa makasaysayang ‘Triple Crown’ title sa second leg ng prestihiyosong karera ngayon sa Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Nakataya ang lahat sa pagremate ng tatlong-taong colt laban sa anim na karibal para sa tampok na karera na may distansiyang 1,800 metro at may nakalaang P1.8 milyon champion prize.

Napagwagihan ng Sepfourteen ang unang leg ng karera – may distansiyang 1,600 metro sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite – sa tyempong isang minuto at 49.2 segundo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ang Kid Molave ang huling kabayo na nakapagtala ng Triple Crown noong 2014.

Kasama sa makakaribal ni Sepfourteen ang kasama sa kuwadra ng SC Stockfarm, Inc. na Brilliance para sa torneo na may kabuuang premyo na P3 milyon. Ang Brilliance ang tanging babaeng kalahok sa karera.

“Sepfourteen is a winner. Malakas bumatak kaya malaki ang chance niya na makapag-back-to-back,” pahayag ni Philracom Commissioner Bienvenido Niles Jr.

“Right now, liyamado ang Sepfourteen, pero malalakas din ang kalaban kaya asahin din natin ang posibilidad ng upset,” aniya.

Makakalaban ni Sepfourteen – sinanay ni Tomasito Santos – ang Golden Kingdom, Hiway One, Metamorphosis, at Pangalusian Island.

Pumangalawa ang Pangalusian Island kay Sepfourteen sa unang leg, habang pangatlo ang Golden Kingdom.

May nakalaang ding bonus na P100,000 sa mananalong kabayo.

Ipinahayag naman ni Philracom Chairman Andrew Sanchez na competitive rin ang labanan sa Philracom Hopeful Stakes – pampaganang karera bago ang main event – na tatampukan ng walong kalahok sa distansiyang 1,800 metro.