Ni: Ali G. Macabalang

SAGUIARAN, Lanao del Sur – Tatlong batang refugees ang namatay sa siksikang evacuation camp sa Saguiaran, Lanao del Sur, dahil sa patuloy na pagkalat ng iba’t ibang sakit sa lahat ng pansamantalang tirahan ng libu-libong lumikas mula sa Marawi City.

“We have three deaths here all because of severe dehydration... Cases of diarrhea and pneumonia are going up,” pahayag nitong Lunes ni Dr. Nariman Lao Taha, isa sa volunteer doctors na gumagamot sa evacuees, sa mga mamamahayag.

Hindi pinangalanan ni Taha ang tatlong batang namatay sa evacuation camp sa Saguiaran, at nagpahiwatig na marami pang bata ang nagkasakit at maaaring namatay na sa iba pang refugee centers.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iniulat ng mga awtoridad na aabot sa 200,000 ang internally displaced persons (IDPs) sa Saguiaran, sa Iligan City at sa kapitolyo sa Marawi City, samantalang ang iba ay kinukupkop ng mga kamag-anak sa mas ligtas na bayan sa Lanao del Sur at Norte at sa Misamis Oriental.

Iniulat sa GMA online news nitong Martes na mahigit 700 evacuees na ang nagkakasakit sa refugee camps na okupado ng 14,000 IDPs.

Ang pagsisiksikan at kawalan ng maayos na palikuran at mga gamot at sapat na inuming tubig at pagkain ang sanhi ng pagdami ng kaso ng dehydration, diarrhea at pneumonia sa mga evacuation camp, at patuloy na nadaragdagan ang evacuees habang nakakatagpo ang rescuers ng survivors sa Marawi.

TRAUMA

Bukod sa hindi kumportableng kalagayan, karamihan sa mga batang refugee at ilang matatandang babae at dumaranas ng trauma sa bakbakan sa Marawi, ayon sa mga volunteer ng Red Cross, na nagpayo ng madaliang psycho-social interventions sa evacuation camps.

“Unabated trauma plus risks from communicable diseases could cause more deaths in refugee camps,” sinabi nitong Lunes ng isang manggagamot na volunteer ng Red Cross.

NAPIPILITANG MAMALIMOS

Dahil sa kakulangan sa tubig, pagkain at iba pang mga rasyon, ang ilang bakwit, lalo na ang mga nakikituloy sa bahay ng mga kamag-anak, ay umamin na nagtutungo sa mga sentro ng komersiyo sa Iligan at sa iba pang mga lugar upang mamalimos ng maibibili ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng toiletries at hygiene commodities.

Kasabay nito, nagrereklamo naman ang ilang residente na piniling manatili sa kanilang bahay na malayu-layo sa labanan sa Marawi, tulad sa Mindanao State University main campus, makaraang umabot sa hanggang P250 ang bentahan ng isang kilo ng bigas sa lugar.