Kapwa sugatan ang estudyante, na nagtangka umanong pagnakawan ang isang bahay, at ang pulis matapos saksakin at barilin ang isa’t isa sa Barangay Nangka, Marikina City kamakalawa ng gabi.

Sabay isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sina PO1 Kevin Federico, ng Marikina City Police, at John Anthony Caber, 20, ng 10 Michael Street, sa Bgy. Nangka, at nahaharap sa kasong trespassing with attempted homicide.

Sa ulat ng Marikina City Police na ipinarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), dakong 6:40 ng gabi nangyari ang insidente sa Joseph St., Tierra Vista Subdivision, Bgy. Nangka.

Una rito, pinasok at plano umanong pagnakawan ni Caber ang isang bahay sa naturang subdibisyon.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Naramdaman umano ng may-ari ng bahay, ayaw magpabanggit ng pangalan, na may ibang tao sa kanyang bahay kaya agad itong humingi ng tulong sa mga pulis.

Mabilis na rumesponde si PO1 Federico at pinasok ang bahay.

Tinangka pa umanong magtago ni Caber sa loob ng isang cabinet, ngunit nakorner pa rin siya ng pulis.

Aarestuhin na umano ni PO1 Federico si Caber nang sugurin siya ng saksak ng suspek, gamit ang isang stainless knife, sa kaliwang braso.

Dahil nalagay sa panganib ang buhay, hindi na nagdalawang-isip ang pulis na paputukan ang suspek. (MARY ANN SANTIAGO)