MAAARING aksidente lamang ang pagkakadiskubre at pagkakasamsam ng militar ng P79 milyong salapi at tseke sa pinagkukutaan ng Maute Group sa Marawi City, subalit isang bagay ang tiyak: Ang naturang halaga ay bahagi ng limpak-limpak na pondo na ginagamit ng nasabing mga bandido sa isinasagawa nilang pakikidigma sa ating mga sundalo at pulis; hangad nilang sakupin ang nasabing siyudad upang maging permanenteng pagkukutaan ng Maute rebels sa panig na iyon ng Mindanao.

Ngunit isang malaking kababalaghan na may kaakibat na katanungan ang inihudyat ng pagkakadiskubre ng nasabing bungkus-bungkos na salapi: Saan nanggaling at sino ang nagdala niyon sa Marawi City, sa pinagkukutaan ng Maute Group?

Sa ganitong pag-uusisa, walang kagatul-gatol na ipinahiwatig ng isang mataas na opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may mga paraan upang matunton ang pinagmulan at ang nagdala ng nabanggit na malaking halaga.

Naniniwala ako na magiging kaagapay dito ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngayong natukoy na ng ating military authorities ang may-ari ng bahay na kinaroroonan ng naturang limpak-limpak na salapi, natiyak na rin na ito ang magsisilbing taguan o vault ng pondo ng pantustos ng mga terorista sa kanilang mga pangangailangan. Katunayan, mistulang binakuran ng Maute Group ang nasabing bahay; inumangan ng mga machine gun at iba pang malalakas na armas ang mga bintana ng bahay laban sa lumulusob na mga sundalo.

Ang bungkus-bungkos na salapi ay hindi malayong binubuo ng pinagsama-samang kontribusyon ng mga sympathizers o kaisa ng mga rebelde sa kanilang ipinaglalabang adhikain; kabilang dito ang mga negosyante at mga opisyal ng local government units (LGUs) na malimit iulat na kasabwat sa paghahasik ng mga karahasan at sa pagpapabagsak ng administrasyon.

May kababalaghan din o milagro sa pagdagsa ng malalakas na armas hindi lamang sa Maute Group kundi maging sa iba pang grupo ng mga rebelde; kabilang dito ang mga Abu Sayyaf Group (ASG), MILF rebels, BIFF at iba pa. Kapani-paniwala na ang mga ito ay nanggagaling sa iba’t ibang bansa sapagkat wala naman tayong pabrika ng gayong matataas na kalibre ng baril. Hindi ba kamakailan lamang, isang mataas na opsiyal ng Malaysia ang nagpahiwatig na may 1,200 rebelde mula sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) ang nasa Mindanao, lalo na sa Marawi City?

May mga haka-haka na ang ilang malalakas na armas ng mga rebelde ay nagmula sa mga armory ng ating militar; paulit-ulit naman itong pinabubulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang mistulang mga kababalaghan o milagro na kaakibat ng pagdagsa ng limpak-limpak na pondo at matataas na kalibre ng armas, kabilang na ang paglipana ng ISIS ay natitiyak kong madaling pawiin, lalo na ngayong umiiral ang martial law sa Mindanao. (Celo Lagmay)