SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Isang tauhan ng Sta. Rosa Police ang nasawi, gayundin ang suspek sa kidnapping sa kasong nirespondehan niya nang mauwi sa engkuwentro ang isang operasyon ng mga pinagsanib na puwersa ng San Antonio Police, Sta. Rosa Police Station, at Provincial Public Safety Company (PPSC) ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), sa Barangay Buliran sa bayan ng San Antonio, nitong Martes ng hapon.
Sa ulat sa tanggapan ni NEPPO director Senior Supt. Antonio C. Yarra, kinilala ang mga nasawi na sina PO3 Marlon Francisco; at Aldy Mendez, 41, tubong Kalibo, Aklan, suspek sa pamamaril kay Ricky Agustin at pagdukot sa live-in partner ng huli na si Daiselyn Popes nitong Mayo 16, 2017.
Sa rescue operation kay Popes, nakorner ng mga operatiba si Mendez sa pinagtataguang kubo sa Bgy. Buliran, bandang 1:30 ng hapon, hanggang magkaroon ng engkuwentro at mabaril sina Francisco at Mendez, na kapwa nasawi.
(Light A. Nolasco)