GLORIA copy

NAAKSIDENTE pala si Ms. Gloria Sevilla kaya nag-lie low siya sa showbiz at paggawa ng teleserye at simula noon ay sinasamahan na siya ng anak niyang si Suzette Ranillo sa lahat ng lakad niya.

Dahil hindi nakakapagtrabaho sa telebisyon ngayon ay malaking tulong sa pinansiyal na aspeto ang pagkakahirang sa kanya bilang bagong member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Kasabay niyang umupo sa MTRCB sina Dennis Padilla at Kests Musngi.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon kay Ms. Gloria, marami ang magagadang indie films (ang mga ito ang kadalasang nirerebyu niya) na hindi lang nabibigyan ng sapat na promosyon dahil kapos sa budget.

“Ang indie films ngayon ay magaganda, lalo na ‘yung mga bagong sibol na director na magagaling talaga. At saka they make movies na may istorya na kinakailangan talaga natin ngayon para sa industriya.

“Mas gusto ko ang indie films, maliban sa magaganda ang istorya, madaling matapos ang shooting. Kaya mas gusto ko ang indie films talaga. In fact, marami kaming na-review na indie films sa MTRCB, magaganda,” kuwento ng aktres nang makatsikahan namin.

“Ang movie industry natin, basta tulungan ng gobyerno, lalago ito. Kailangan lang ng tulong ng gobyerno, kagaya ng taxes at bigyan ng playdate ang mga indie films. Ang mga producer, bigyan din sana ng insurance ang mga artista, at iba pang tulong.

“Kasi kontrolado ng mga businessmen na Chinese (ang mga sinehan) kaya para bang hindi nila binibigyan ng pagpapahalaga ang mga indie films. It should not be that way.

“Kailangan ay tulungan natin ang ating local movie industry. Paano lalago kung hindi natin bibigyan ng playdates, hindi natin bibigyan ng halaga ang magagandang indie films? Unfair naman, paano iyan? It should be na, sana malimitahan natin ang coming-in of foreign films, para mabigyan ng playdates ang mga indie films, ang local movie industry.

“Kasi as of now, hindi nila binibigyan, eh. Ang daming magagandang mga pelikulang gawa ng mga bagong director at mga bagong artista na magagaling din,” sabi ng beteranang aktres.

Samantala, nakagawa ng indie film si Ms. Gloria na ang target audience ay mga estudyante kaya ipapalabas sa mga pampublikong eskuwelahan sa mga probinsya. May titulo itong New Generation Heroes produced ng Golden Tiger Films ni Gino Hernandez at idinirek ng pamangkin nitong si Anthony Hernandez.

“Ina ako rito ni Aiko (Melendez), teacher siya sa movie na nagpunta sa Korea. Dito’y maraming problemang dumating sa buhay niya, pati sa anak niya at sa kanyang asawa. Maraming aral na mapupulot sa movie na ito.”

Umaasa ang bagong MTRCB member na mabigyan ng magandang playdate ang New Generation Heroes na planong isali ng producer sa film festivals sa ibang bansa. (REGGEE BONOAN)