Tatlong Cabinet members ng administrasyong Duterte ang na-bypass habang nalalapit na ang pitong-linggong sine die adjournment ng Kongreso simula sa Hunyo 2, sa pagtatapos ng unang regular session ng 17th Congress.
Dulot ito ng desisyon nitong nakaraang Miyerkules ng bicameral Commission on Appointments (CA) sa hindi pagpapatawag sa tatlong Cabinet members dahil ang rules committee na pinamumunuan ni Isabela Rep. Rodolfo T. Albano III, CA majority leader, ay nakipagpulong upang maresolba ang resolusyon ni Sen. Paolo Benigno “Bam’’ Aquino IV upang irebyu ang CA secret balloting procedure na ipinatupad nito kamakailan.
Ang tatlo ay sina Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary-designate Rafael Vitiolo Mariano, Department of Health (DoH) Secretary-designate Paulyn Jean B. Rosell-Ubial, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary-designate Judy Marigomen Taguiwalo.
Kahapon, ang CA, sa pamamagitan ng secretary nito na si Hector A. Villacorta, ay nag-isyu ng notice na nagkakansela sa nakatakdang public hearing ng CA agrarian reform committee, na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Vicente C. Sotto III, sa Mayo 24 para kay Mariano.
Dahil sa resolusyon nito, nagkaisa ang CA na suspindehin ang public hearing para sa tatlong natitirang miyembro ng Gabinete. (Mario B. Casayuran)