Simula bukas, Mayo 19, ay hindi na maaaring umangkas sa motorsiklong tumatahak sa mga pangunahing kalsada ang maliliit na bata.

Huhulihin ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at iba pang law enforcement agencies ang mga motorcycle rider na may angkas na edad 18 pababa habang tumatahak sa mga pangunahing kalsada, sa simula ng pagpapatupad ng RA 10666 o ang “Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015” ngayong Biyernes.

Hulyo 21, 2015 nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang RA 10666.

Alinsunod sa RA 10666, ipinagbabawal sa mga nagmomotorsiklo ang mag-angkas ng bata, partikular sa malalaking kalsada na marami at mabibilis ang sasakyan, o kung saan ipinaiiral ang speed limit na mahigit 60 kilometer-per-hour (kph).

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Maaari lamang pahintulutan ang pag-aangkas ng bata kung sapat na ang tangkad nito para maabot ang foot peg ng motorsiklo at kaya nang kumapit sa beywang ng rider. Dapat ding magsuot ng tamang helmet ang mga batang pasahero.

May exception naman kung ang batang angkas ay nangangailangan ng atensiyong medikal, o isinusugod sa ospital.

Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P3,000 sa unang beses; P5,000 sa ikalawang paglabag; at P10,000 at isang-buwang suspensiyon ng lisensiya sa ikatlong paglabag. Tuluyan naman babawiin ng LTO ang lisensiya sa mga mahuhuli sa ikaapat o higit pang paglabag. (Vanne Elaine P. Terrazola)