INABSUWELTO ng Court of Appeals (CA) si Janet Lim-Napoles (JLN) sa kasong illegal detention kay Benhur Luy. May mga sapantaha o espekulasyon na baka ang susunod ay gawing testigo o state witness ang Pork Barrel Scam Queen, sa plano ng Duterte administration na muling buksan ang imbestigasyon sa P10-billion Priority Development Assistance Program (PDAF) na sangkot daw ang mga kongresista, senador at ilang miyembro ng gabinete ni ex-Pres. Noynoy Aquino.
Sa alingasngas sa PDAF o pork barrel scam, nagtataka ang mga Pinoy kung bakit tanging tatlong senador lang ang kinasuhan at naipabilanggo ng Aquino administration. Sila ay sina Tanda (Sen. Juan Ponce Enrile), Pogi (Sen. Bong Revilla), at Seksi (Sen. Jinggoy Estrada). Maraming sangkot sa P10-bilion PDAF anomaly na umano’y kinabibilangan ng mga kongresista, senador at miyembro ng ex-PNoy cabinet na nakinabang dito.
Sa ganitong sitwasyon, kapag si JLN ay ginawang state witness o testigo ng gobyerno, higit na magiging apektado rito si Sen. Leila de Lima na tiyak na isasangkot ng Reyna ng Pork Barrel, gaya ng kagustuhan ng administrasyon. Marami ang naniniwalang si De Lima ang pinaka-target sa pag-absuwelto kay Napoles upang pahinain ang kredibilidad ni Luy sa mga kasong plunder laban kay JLN. Sa dakong huli, sapantaha ng mga kritiko, ididiin ni JLN si De Lima para makasuhan ng plunder at “mabulok” sa bilangguan.
Samantala, itinanggi ng Malacañang na may lihim na kasunduan si Napoles at ang administrasyon na iaabsuwelto ang Reyna para maging testigo sa pork barrel scam laban sa mga kaalyado at miyembro ng gabinete ni ex-PNoy. Wala raw ganoong kasunduan. Hiwalay ang hudikatura sa Sangay ng Ehekutibo at hindi nakikialam ang Pangulo sa usaping ito.
Kumakambiyo na ngayon ang VACC (Volunteers Against Crime and Corruption), isa sa matinding supporter sa giyera sa droga ni President Rodrigo Roa Duterte. Nais ng pamunuan ng VACC na ang founding chairman ay si Dante Jimenez, na itigil ng Philippine National Police (PNP) ang walang lubay na pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at users.
Naniniwala si Boy Evangelista, VACC spokesman, na nakagagawa ng extrajudicial killings ang mga operatiba ng PNP sapagkat kahit inosenteng mga sibilyan ay nadadamay o napapatay sa buy-bust operations, kahit sa loob ng kanilang bahay at nangatutulog.
Binira ng alyansa ng Human Rights Organizations na sumusubaybay sa Universal Periodic Review (UPR) sa sitwasyon ng mga karapatan sa Pilipinas ng UN Human Rights Committee (UNHRC) sa Geneva, Switzerland, ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa “misleading reports” na isinumite rito. Sinabi ng UPR Watch na ang ulat na ibinigay ng Pilipinas sa UNHRC ay hindi sumasalamin sa mga realidad na nangyayari sa maraming lugar sa bansa kaugnay ng anti-illegal drug war ng PDu30 administration.
Samantala, umapela si Sen. Alan Peter Cayetano sa mga miyembro ng UNHRC na kilalanin ang kaugnayan ng illegal drugs (shabu) sa mararahas na mga krimen at kahirapan upang maunawaan ang sitwasyon sa Pilipinas. Si Cayetano ang puno ng delegasyon ng ‘Pinas na nagpapaliwanag tungkol sa drug war ng Duterte administration, at pagtanggi na nagsasagawa ito ng EJKs at HRVs. Itinanggi rin ni Cayetano na isang state-sponsored ang extrajudicial killings at human rights violations.
Ewan kong naisulat ko na ang text message ng isang kaibigan sa akin: “May dalawang pangulo ngayon ang dalawang makapangyarihang bansa sa mundo, na ang mga pangalan ay tunog-pagkain. Sila ay sina US Pres. Donald Trump at France Pres. Emmanuel Macron. Ang unang pangalan ni Trump na Donald, ay kasing-tunog ng McDonald. Ang apelyido ni Emmanuel na Macron ay tunog-Macaroni. Hehehe!” (Bert de Guzman)