Tatlong umano’y tulak ng droga ang napatay at pitong matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Maguindanao, kahapon.
Batay sa report ni Lt. Col. Harold Cabunoc, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, bandang 5:30 ng umaga nang mangyari ang sagupaan sa Datu Paglas, Maguindanao.
Sinalakay ng may 100 sundalo at 50 tauhan ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO) ang 15 katao, sa pamumuno ng isang Abdulatip Pendaliday, alyas “Grasscutter.”
Sinabi ni Cabunoc na nagsilbing support group ang mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion sa tropa ng pulisya.
Tumagal ng isang oras ang sagupaan na nagresulta sa pagkasawi ng mga drug suspect na sina Samir Pendaliday, Nasrudin Saligan, at Rakim Pendaliday, pawang ng Barangay Lipao, Datu Paglas.
Nasamsam ng militar at pulisya ang tatlong M-16 rifle, tatlong M203 grenade launcher, at isang M79 grenade launcher kasama ang 34 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Nakatakas si Grasscutter sa mga awtoridad at patuloy pang tinutugis. (Fer Taboy)