ANG pagkakaabsuwelto kay Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention ay tiyak na naghatid ng nakakikilabot na hudyat sa mga isinasangkot sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Funds (PDAF) at sa iba pang asunto. Bagamat si Napoles – ang sinasabing utak ng P10 billion pork barrel scam – ay mananatili pa ring nakakulong dahil sa patung-patong na asuntong pandarambong o plunder, may mga espekulasyon na siya ay posibleng maging state witness ng gobyerno.

Kung magkakatotoo ang naturang espekulasyon o haka-haka, naniniwala ako na si Naoples ang maaaring magbulgar sa mga nangulimbat sa PDAF. Bukod sa ilang Senador at Kongresista, isinasangkot din sa nasabing milyun-milyong pisong pandarambong ang ilang miyembro ng Congressional staff; silang lahat na sinasabing mga kalaban ng nakaraang administrasyon, ay nakakulong sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.

Isang malaking kabalintunaan na isa man sa mga Senador, Kongresista at maging ng ilang miyembro ng Gabinete na kapanalig ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay hindi man lamang nasampahan ng kasong pandarambong noong kanilang kapanahunan. Sinadya kaya na sila ay kunsintihin sa kanilang umano’y pagkakasangkot sa umaalingawngaw na mga katiwalian na gumigiyagis sa nakalipas na pangasiwaan?

Totoo na ngayon lamang tinutugis ang mga hinihinalang nakisawsaw sa masalimuot na PDAF scam. Katunayan, mismong si Pangulong Duterte ang nanindigan na pananagutin niya ang sino mang idinadawit sa paglustay ng pondo ng bayan, tulad nga ng pandarambong ng pork barrel funds; bukod pa rito ang iba pang alingasngas na kinabibilangan ng kahindik-hindik na Mamasapano Massacre na ikinamatay ng SAF 44.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naniniwala ako na ang inaashang mga pagbubulgar ni Napoles – kung siya man ay talagang magiging state witness ng pamahalaan – ay makatutulong nang malaki sa paglalantad ng katotohanan kaugnay ng kabi-kabilang anomalya na naganap noong nakaraang administrasyon. Lalo na nga ang sinasabing pagkakasangkot ng ilang miyembro ng Gabinete na naging katuwang sa malawakang pandarambong ng PDAF; bukod pa rito ang umano’y mahimalang bilyun-bilyong pisong kontrata sa MRT at DPWH.

Hindi dapat tumigil ang Duterte administration sa paghalukay ng katakut-takot na ebidensiya laban sa mga dapat managot sa mga katiwalian; bukod pa rito ang mga detalye na maaaring magmula kay Napoles. Kapag ito ay hindi nagawa, imposibleng magkaroon ng isang malinis at matapat na gobyerno. (Celo Lagmay)