Nagsampa kahapon ng corruption charges ang isang anti-graft group laban kay dating Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya bunsod ng umano’y pagbili sa palpak na mga train coach mula sa China, sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Kabilang sa charge sheet ang dating pinuno at mga miyembro ng bids and awards committee (BAC) ng Department of Transportation and Communications (DoTC) na binubuo ni Perpetuo Lotilla, chairman; at mga miyembrong sina Rene Limcaoco, Julianito Bucayan, Catherine Jennifer Gonzales, Roman Buenafe, at Deo Leo Manalo, kasalukuyang director for operations ng Metro Rail Transit (MRT)-3.
Sa pagsasampa ng kasong kriminal, sinabi ng Anti-Trapo Movement (ATM) of the Philippines chairman na si Leon Peralta na ang kinasuhan ang respondents sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sa pagpasok sa umano’y maanomalyang kontrata sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Co. ng China.
Sinabi niya na lubhang nalamangan sa kontrata ang pamahalaan dahil ang nai-deliver na mga bagon ay hindi kumpleto at hindi umaandar kaya naman hindi pa magamit ang mga ito.
Ayon kay Peralta, ang naturang mga train coach ay walang signalling module na gigiya sa mga tren upang umiwas na makipagbanggaan sa iba habang tumatakbo sa riles.
Sinabi niya na hindi umano natupad ng Dalian ang nakasaad sa kontrata, kaya nagdulot ito ng pinsala sa mamamayang Pilipino at sa gobyerno.
“The non-operational Dalian-made coaches likewise resulted in the lost farebox (Beepcard) revenues amounting to millions of pesos,” dagdag ni Peralta. (Jun Ramirez)