SAN PEDRO CITY, Laguna – Dahil umano sa selos, pinagsasaksak ng isang lalaki ang tatlong tao, kabilang ang dalawang babae, habang nag-iinuman sa Sitio Maharlika, Barangay San Antonio, sa San Pedro City, Laguna, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Ronaldo Cas Flores, 43,construction worker; Michelle Fronda Chua, 39, may kinakasama; at Leah De Guia Deneros, 46, may asawa, pawang residente ng Bgy. San Antonio.

Ang suspek naman ay si Reireck Pacaldo Zagado, 34, kalugar ng mga biktima.

Bandang 9:30 ng gabi at masayang nagkukuwentuhan at nag-iinuman ang tatlong biktima sa bahay ni Flores nang biglang pumasok si Zagado na armado ng patalim.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa isang iglap, isa-isang pinagsasaksak ni Zagado ang mga biktima bago tumakas.

Ayon sa pulisya, pawang sa kaliwang dibdib ang tama ng tatlong biktima na isinugod sa magkakaibang ospital.

Sa imbestigasyon, sinabi nina Chua at Deneros sa pulisya na selos ang nagtulak upang gawin ng suspek ang krimen.

Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang suspek. (Danny J. Estacio)