BARCELONA, Spain (AP) — Hindi pa tapos ang ratsada ni defending champion Rafael Nadal mula nang pagbidahan ang Monte Carlo Masters.

Ginapi niya si Kevin Anderson 6-3, 6-4 para makausad sa quarterfinals ng Barcelona Open, habang pinagpawisan ng todo si Andy Murray para makasama sa susunod na round nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nakasalba si Murray kay Feliciano Lopez 6-4, 6-4.

Nagawang makapuntos ni Nadal ng break point sa bawat set para sa ikapitong sunod na panalo sa clay-court.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“It wasn’t a day where I took a lot of free points because the court was very heavy. But I was serving well, at a good speed, and changing directions well,” pahayag ni Nadal.

“I had the chance to hit my forehand after my serve and take control of the rallies.”

Sunod na makasagupa ni Nadal, nine-time champion dito, si qualifier Hyeon Chung ng South Korea, nagwagi kay eighth-seeded Alexander Zverev ng Germany 6-1, 6-4.

Sa Monte Carlo, nakopo ng fifth-ranked na si Nadal ang ika-10 titulo.

Nangailangan naman ang top-ranked na si Murray ng dalawang oras para daigin ang 40th-ranked na karibal.

“I didn’t feel so good at the start, but I played good tennis in some of the important moments,” pahayag ni Murray.

Mapapalaban siya sa quarterfinal kay Albert Ramos-Vinolas, nagwago kay Roberto Bautista Agut, 6-2, 3-6, 6-4. Nasibak si Murray sa Monte Carlo dahil kay Ramos-Vinolas.

Nagwagi naman si Karen Khachanov ng Russia kay fifth-seeded David Goffin ng Belgium 6-7 (7), 6-3, 6-4 para maisaayos ang quarterfinal duel kay Horacio Zeballos ng Argentina, nagwagi kay Benoit Paire ng France 6-4, 3-6, 7-6 (3).

“I feel amazing,” pahayag ng 20-anyos na si Khachanov. “It’s the biggest win of my career.”

Sa iba pang third-round match, tinalo ni fourth-seeded Dominic Thiem ng Austria si Daniel Evans ng Britain 7-6 (5), 6-2, para maisaayos ang duwelo kay Yuichi Sugita ng Japan, namayani kay seventh-seeded Pablo Carreno Busta ng Spain 6-3, 6-3.