HINDI raw nagkakagulo o nag-aaway ang mga miyembro ng gabinete ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at mga pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno. Gayunman, iba ang lumalabas sa mga balita sa pahayagan, radyo at telebisyon at maging sa social media.

Ang pinakahuli sa nagbabangayan at hindi nagkakaintindihan ay sina Dept. of Health (DoH) Sec. Paulyn Jean Ubial at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president at chief executive officer (PCEO) Hildegardes C. Dineros.

Ayon kay Dineros, pinuwersa siya ni Ubial na mag-resign. Itinanggi ito ng DoH Secretary. Siya ay sapilitang pinagbitiw dahil sa isinusulong na reform program sa PhilHealth.

Niliwanag ni Dineros, isang bariatic surgeon, na nagdesisyon siyang mag-resign dahil hindi niya maipupursige ang reform agenda at anti-corruption programs sa PhilHealth. Inamin niyang meron silang “differences on the discharge of responsibilities.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Una rito, nagkokontrahan din sina Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez at DENR Sec. Regina “Gina” Lopez. Ang hindi pagkakaintindihan ng dalawang “paboritong kalihim” ni Mano Digong ay tungkol sa isyu ng pagmimina sa Pilipinas.

Naniniwala si Dominguez na hindi dapat ipinasara ni Lopez ang mga minahan na nakatutulong sa ekonomiya ng bansa at nagbibigay ng trabaho sa libu-libong Pilipino. Naninindigan naman si Sec. Gina, kabilang sa angkan ng mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN, na ipinasasara niya ang mga minahan sapagkat ang mga ito ay “salot” sa kapaligiran at sumisira sa kalikasan.

Isa pang may matinding pag-aaway sa hanay ng mga kaalyado ni PDu30 ay sina Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo, Jr. Nag-ugat umano ang ‘di pagkakaintindihan ng dalawang dating magkaibigan dahil sa kanilang mga “babae.” Of course, itinanggi ito nina Speaker Bebot at Floirendo, dating ginoo ni 1973 Miss Universe Margie Moran. Batay sa mga balita at tsismis, nag-away ang mga “bebot” ng dalawa--si Cathy Binag ni Floirendo at si Jennifier Maliwanag Vicencio ni Alvarez-- sa Masskara Festival sa Bacolod City noong nakaraang taon.

Sinampahan ng kaso ni Bebot Alvarez si Tonyboy Floirendo dahil sa dinaya raw nito ang gobyerno ng bilyun-bilyong piso sa kasunduan o kontrata ng Tagum Development Corp. (Tadeco) at ng Bureau of Corrections sa malawak na ektaryang taniman ng saging. Parehong “malakas” kay Pres. Rody sina Alvarez at Floirendo. Ang banana magnate ang may pinakamalaking financial contribution (P75 milyon) sa kampanya ni candidate Duterte, samantalang si Bebot Alvarez ang “point man” ng Pangulo sa Kamara.

May iba pang pinuno sa ilang tanggapan o departamento ng Duterte administration, tulad nina Philippine... Coconut Authority Avelino “Billy” Andal na sinuspinde ni Secretary of the Cabinet Leoncio Evasco dahil sa intriga ng isa ring opisyal. May lumulutang namang report o tsismis na hindi rin nagkakaintindihan sina Agriculture Sec. Emmanuel “Manny” Piñol at Secretary Evasco tungkol sa importasyon ng bigas. Itinanggi ito ng dalawa.

Bumagsak ang satisfaction rating ni Vice Pres. Leni Robredo. Dumausdos din nang bahagya ang ratings ni PRRD, pero bahagya lamang. Tanong ng kaibigan kong pilosopo-sarkastiko: “Totoo kaya ang surveys ng SWS at Pulse Asia? Hindi kaya takot lang silang ihayag ang tunay na surveys dahil baka sila ipasiyasat ng administrasyon kung sino ang nagpapa-komisyon sa kanila at suriin ang kanilang financial status?” (Bert de Guzman)