Banderang-kapos ang Miami; Cavs No.2 sa East; Warriors, No.1 pa rin.

CHICAGO (AP) – Balik sa playoffs si Dwyane Wade. Ngunit, sa pagkakataong ito, hindi niya kasama ang Miami Heat.

Tapos na ang regular-season at naisaayos na ang karibalan para sa NBA postseason at masuwerteng nakasabit sa huling biyahe si Wade at ang bagong koponan na Chicago Bulls.

Tulad nila, nakahabol sa huling biyahe ang Indiana Pacers matapos magwagi sa Atlanta Hawks, 104-86, sa kanilang huling laro sa regular-season nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Bunsod nang panalo ng Bulls at Pacers, nasibak ang Miami Heat, tumapos na may 41-41 record nang magapi ng Washington Wizards. Mula sa 11-30 sa first half ng season, tumabo ang Heat sa 30-11 sa second half. Subalit, banderang-kapos ang two-time NBA champion.

Hindi naman kasama sa pighati ng Heat si Wade, lumipat sa Bulls sa offseason, para matikman ang ika-12 pagkakataon sa playoffs.

“Now the fun begins,” pahayag ni Bulls coach Fred Hoiberg, nangailangan nang matinding ratsada sa huling anim na laro para makasabit sa playoffs.

Matira ang matibay at narito ang listahan nang karibalan.

Nakopo ng Boston ang No. 1 seed sa Eastern Conference matapos magwagi sa Milwaukee Bucks, 112-94. Ang Celtics ang ikaanim na prangkisa na humawak sa top seeding sa East sa nakalipas na anim na seasons — Chicago noong 2012, kasunod ang Miami, Indiana, Atlanta, Cleveland at ngayon ay Boston.

Haharapin ng Celtics ang Bulls sa Round 1.

Mapapalaban ang defending NBA champion at No.2 Cleveland sa No.7 Indiana. Aksiyon sa pagitan ng No. 3 Toronto at No. 6 Milwaukee, gayundin ang No. 4 Washington kontra No. 5 Atlanta.

Sa Western Conference, sisimulan ng No. 1 Golden State ang biyahe pabalik sa Finals laban sa matikas na No. 8 Portland, haharapin ng No. 2 San Antonio ang No. 7 Memphis, magkakasubukan ang No. 3 Houston at No. 6 Oklahoma City at pukpukan ang No.4 Los Angeles Clippers at No.5 Utah Jazz.

Magsisimula ang duwelo ng Indiana-Cleveland, Milwaukee-Toronto, Memphis-San Antonio at Utah-Clippers sa Sabado (Linggo sa Manila), habang ang banggaan ng Atlanta-Washington, Portland-Golden State, Chicago-Boston at Oklahoma City-Houston ay sa Linggo (Lunes sa Manila).