Mainit-init na P5 milyon ang nawala sa mga kamay ng isang engineer na nabiktima ng tatlong miyembro ng “Budol-Budol” na gumamit na chewing gum para siya’y mahilo at hindi nagtagal ay kinuha ang kanyang pera sa isang hotel sa Pasay City, ayon sa pulis.

Sa ulat na nakarating kay Senior Superintendent Lawrence Coop, hepe ng Pasay police, kinilala ang biktima na si Bobby Herrera, 40, ng Fortune Street, East Fairview Park Subdivision, Quezon City.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Cogie Suzuki, isang Japanese; Mike delos Reyes at Michelle Valdez.

Base sa inisyal na imbestigasyon, unang nagkakilala sina Herrera, Suzuki at Valdez nitong Abril 3, matapos dumalo ng biktima sa isang business meeting sa isang hotel sa Pasay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Napag-alaman na nilapitan nina Suzuki at Valdez si Herrera at nagpakilala bilang mga casino financier. Matapos nito’y inalok umano ng mga suspek ang biktima ng isang “business deal” kung saan ipangungutang ang kanyang pera sa mga naglalaro ng casino.

Sinabi umano ng mga suspek kay Herrera na kapag pumayag siya na ipahiram ang kanyang pera, ito ay iko-convert sa US dollar at ibabalik sa kanya ng may karagdagang P750,000. Hindi nagtagal ay nahikayat si Herrera sa mabubulaklak na salita ng mga suspek kaya pumayag ito sa kasunduan, at walang kamalay-malay na kumakagat na siya sa bitag.

Muling nagkita sina Herrera at Suzuki, sa puntong ito ay si Delos Reyes naman ang kanyang kasama, nitong Abril 7 sa kapareho pa ring hotel kung saan ibinigay ng biktima ang kanyang P5 milyon cash sa mga suspek, sa paniwalang ibabalik ito sa kanya at may karagdagang P750,000 na naka-convert sa US dollar.

Habang nagpapaliwanagan ang tatlo, binigyan ni Suzuki ng chewing gum—hinihinalang kontaminado ng droga—si Herrera.

Makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam ng pagkahilo ang biktima.

Kahit nahihilo, natatandaan umano ni Herrera na kinuha ng mga suspek ang kanyang P5 milyon na nakalagay sa itim na suit case at bilang kapalit, isang itim na hand-carry bag ang ibinigay kay Herrera. Sinabi umano ng mga suspek na ang bag ay naglalaman ng walong bungkos ng US$100 na kaumbas ng P5,750,000.

“Then, suspects asked permission from Herrera that they would momentarily leave the place to get an additional bonus amounting to US$15,000,” ayon sa report.

Nakasaad din na nakatulog si Herrera, at nang magising makalipas ang ilang oras, nadiskubre niya na US$1200 o P60,000 lamang ang laman ng bag.

Kinasuhan na ng estafa ang tatlong suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. Nagsasagawa na ng follow up operation ang awtoridad upang sila’y arestuhin. (MARTIN A. SADONGDONG)