Patay ang isang estudyante, na hinihinalang lango sa marijuana, makaraang tumalon mula sa ika-20 palapag ng tinutuluyan niyang condominium sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 2:05 ng madaling araw tumalon ang 21-anyos na biktima.

Una rito, magkakasama umano ang biktima at kanyang mga roommate at mga kaibigan at naghahanda na para matulog nang bigla na lang umanong mabalisa ang biktima at tumakbo palabas ng pintuan.

Tinangka umanong pigilan ng kanyang mga kaibigan ang biktima ngunit nagtatakbo umano ito sa hallway, umakyat sa service window at saka tuluyang tumalon.

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

Agad nasawi ang biktima nang padapang bumagsak sa canopy ng condo tower at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Ayon sa awtoridad, posibleng bangag ang biktima nang mangyari ang insidente matapos makuha sa kanyang kuwarto ang ‘di pa matukoy na dami ng hinihinalang pinatuyong marijuana at fruiting tops at drug paraphernalia.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)