Dinisarmahan at sinibak sa puwesto ng Quezon City Police District (QCPD) ang babaeng pulis na umano’y bumaril sa asawa ng dati niyang nobya noong nakaraang linggo.

Kinumpirma kahapon ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar na na-relieve na si PO1 Wealyn Malaya Ojastro bilang beat patroller sa Novaliches Police Station dahil sa pamamaril umano kay Mark Kevin Tumbaga, 33, at pananakit sa asawa ng huli na si Glaiza Tumbaga, 31, sa isa umanong insidente ng love triangle nitong Marso 27.

Sinabi ni Eleazar na sumuko si Ojastro, nag-AWOL (absent without leave), nitong Biyernes at kusang isinuko ang kanyang service firearm sa hepe niyang si Supt. April Mark Young.

Isinailalim din siya sa restrictive custody ng PS-4 matapos siyang kasuhan ng frustrated murder at physical injury sa QC Prosecutor’s Office nitong Huwebes.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon kay Eleazar, nag-iimbestiga pa sila sa kaso ni Ojastro para sampahan ito ng kasong administratibo.

Nabatid na naging karelasyon ni Ojastro si Glaiza hanggang sa magpasya ang huli na balikan ang kanyang mister.

(Vanne Elaine P. Terrazola)